HABANG naghihintay ng oras para sa bagong smuggling operation, nagpunta si Miranda sa isang simbahan sa lunsod.
Nakaharap niya ang mabait na kura-paroko. Hindi sila magkakilala. Siyempre pa ay tiniyak ni Miranda na disente ang damit.
Sa malilim na patio sila nag-usap. “Nakikita ko sa iyong mga mata na ikaw ay naliligalig, iha,” sabi ng may-edad nang alagad ng Diyos.
“Miranda po ang pangalan ko, Father. Tama po kayo, may kinatatakutan akong...multo.”
Napatuwid nang upo ang kausap ni Miranda. “Multo ba ‘ka mo, Miranda? Multo as in...Multo?”
“Opo, Father.”
“Padre Juancho. Tawagin mo akong Padre Juancho, Miranda. Ikuwento mo ang lumiligalig sa iyo.”
Pinaganda ni Miranda ang kanyang kuwento, hindi sinabi na siya ay smuggling queen sa pinanggalingang bayan.
“Pekeng padre po ang nais maghari sa buhay ko, Padre Juancho. Sinisira po niya ang tahimik kong buhay.”
“Meron bang pangalan, Miranda?”
“Tililing po. Binansagan siyang si Padre Tililing ng mga taga-aplaya. Kinatatakutan ko po ang kanyang presencia, Padre Juancho.”
Sa pagkakataong ito ay napilit ni Miranda ang mapaluha. Pang-award ang kanyang acting.
Nagtanong ng ilang detalye si Padre Juancho. Saan ba ang lugar nina Miranda? Ilan ba humigit-kumulang ang mga tao?
Nasagot naman ito ni Miranda.
Naalala ni Padre Juancho ang munting bayan. “Nakarating na ako sa inyo, Miranda, noong ako’y teenager pa.”
“Paano po ninyo ako matutulungan, Padre Juancho, laban kay Tililing?”
Binasbasan si Miranda ni Padre Juancho gamit ang banal na tubig o holy water. “Pagpalain ka ng Diyos.”
“Hindi na po ako malalapitan ni Tililing?”
Malalim ang sagot ni Padre Juancho. “Oo, Miranda—kung tunay kang kapanalig ni Lord.” (ITUTULOY)