KINABUKASAN na ng tanghali umuwi sa fishing village, mula sa pagsasaya sa casino, sina Miranda at Antonya.
Kampante ang smuggling queen at ang amiga-alalay na hindi na dadayo ang multo ni Tililing mula sa nailayo nang libingan nito.
Wala silang alam na pangyayari na ang multong nasa ‘Pinas halimbawa ay nanakot o dumayo sa ibang bansa.
Nagtuloy sa malaking bahay sa aplaya sina Miranda.
“Nagmulto ba rito si Tililing mula kagabi?” tanong agad ni Miranda sa tauhang naiwan sa bahay.
“Wala po, Mam Miranda. Payapa po rito,” sagot agad ng tauhan lalaki—si Arnold na binata pa.
Nakahinga nang maluwag ang smuggling queen pati na si Antonya.
SA FISHING village, minadali nina Mang Goryo at mga tagaroon ang paggamit sa perang kaloob ni Miranda.
Nasabi na ni Mang Goryo sa mga kalugar ang pabagu-bagong mood ni Miranda.
Hindi sila papayag na babawiin sa kanila ang biyayang naipagkaloob na. Kailangang-kailangan nila ang bibihirang grasya.
Nadala ng ginang sa ospital sa ibayo ang batang maysakit. Nakakain nang tama ang pamilya ng maysakit na mangingisda, etsetera.
Kumontak sa mga kapwa-smugglers si Miranda. “Hello, Mister X? Oo, tuloy ang susunod na operasyon. Oo nga, wala pang mga kaaway, samantalahin natin!”
Humirit si Mr. X. “Miranda, 40-60. Akin ang 60.”
Natawa ang smuggling queen. “Ulul ka, Mister X. Dating hatian pa rin—50-50. Kundi’y patayan na lang tayo!”
Natawa ang ka-deal ni Miranda. “Ha-ha-ha. Huwag kang pikon, Miranda, nagbibiro lang ako!”
“Kung gayo’y tuloy...?”
“Oo naman, Miranda. Ha-ha-ha-ha-ha!” malutong na halakhak ni Mister X. (ITUTULOY)