The Ghost of ‘Padre Tililing’ (11)

MATAPOS ang taimtim na pagdarasal ng rosary ni Miranda, ang smuggling queen na ito ay lumabas ng bahay at naglagi sa porch, sa labas ng main door.

Naupo siya sa duyan na naroon, nakatanaw sa kaharap na dagat, paugoy-ugoy  na mahina.

Naglalakbay ang diwa ni Miranda, sa mga bagay na maganda at makabuluhan.

Naalala niya ang kabayanihan ng asong askal, na iniligtas sa kalye ang among masasagasaan ng trak; nailigtas ng askal ang amo pero ang aso naman ang nasagasaan.

Bumalik din sa alaala ni Miranda ang good samaritan na basurero na nakakita ng katawang naghihingalo, sa bunton ng basura.

Hindi natiis ng basurero ang kaawa-awang kalagayan ng biktima, isinugod nito sa pinakamalapit na public hospital.

Nais lang namang balikan ng mabait na Miranda ang magagandang ginawa ng mga nakatagong bayani ng mundo; ‘yung tinatawag na unsung heroes.

Muli siyang nagpauguy-ugoy sa duyan sa porch hanggang doon na nakatulog.

Sa tabing dagat, kung kailan nakumpleto na ang paglunsad at pagtatago ng epektos, saka napansin nina Antonya na wala si Miranda pati sasakyan nito.

Gamit ang 2-way radio o walkie-talkie, nalaman nilang nakauwi na si Miranda—at pinababalik na rin sila sa malaking bahay nito.

Takang-taka si Antonya sa kakaibang aura ng mukha ni Miranda. Nasa opisina sila ng smuggling queen, pasilip na ang araw sa silangan.

“Miranda, bakit para kang anyong banal? Nag-drug ka ba...?”

Umiling si Miranda. “Hindi ako nagda-drug, alam mo ‘yan, Antonya. Mabait lang talaga ang Diyos.”

Napanganga kay Miranda si Antonya. Ngayon lang narinig ng amiga na nagbanggit ng tungkol sa Diyos ang malupit na smuggling queen.

Dinama ni Antonya ang noo ni Miranda. May lagnat ba ito? Baka nahihibang?

Normal naman, walang lagnat. At nasa good mood. “Magpahinga na kayo ng mga tauhan. Kumain, matulog etsetera.” (ITUTULOY)

Show comments