“NASAAN na ang sinasabi mong multo ni Tililing na ikaw lang kuno ang nakakita, Antonya?” sarkastikong tanong ni Miranda sa amiga-alalay.
“E-ewan ko kung nasaan na, n-natakot yata sa iyo, Miranda,” hiyang-hiyang tugon ni Antonya sa smuggling queen.
Inis si Miranda. “Gusto kitang sipain sa mukha, Antonya. Sige, samahan mo ‘yung mga tao natin sa tabing-dagat. Palapit na ang epektos.”
Sunod agad si Antonya dala ang sandata. Panatag siya kapag nasa tabi ng mga tauhan,
Naiwan sa di-kalayuan si Miranda, nakatanaw sa operasyon. May sarili siyang binoculars o larga-bista.
Nakatutok ang tingin niya sa operasyon nang may humarang sa kanyang vision. Naunawaan agad kung ano ang palapit sa kanya.
Namutla si Miranda. Kilalang-kilala niya ang mortal na kaaway.
“Hinayupak, si T-Tililing nga!”
Papuputukan niya sana ito pero nahawakan na nito ang baril, hindi naiputok.
Ang alam ni Miranda, may sumakop sa kanyang katawan. Pumiligpilig siya, wala nang natandaan sa sumunod.
Abala sa tabing-dagat si Antonya at mga tauhan, palapit na sa dalampasigan ang mga epektos na hatid ng kapwa-smugglers.
Walang nakapansin na si Miranda ay nagbalik na sa sasakyan. Binuhay ang engine at mabilis nang umalis, pabalik sa bahay.
Bruuummm.
Sa bahay nagkulong sa opisina si Miranda, himalang nakinig sa radio—sa istasyon na nagpapatugtog ng mga makalangit na musika at may mga banal na mensahe mula sa bibliya.
Bigla, ang dating makamundong smuggling queen ay naging maamong babae na pagkabait-bait.
Kumanta pa nga ng Ave Maria. “Ave Maria...gratia plena...”
Hindi lang doon nagwakas ang ‘pagbabago’ ni Miranda. Bigla rin siyang nagdasal ng banal na rosaryo, gamit ang rosary na nakadisplay sa altar ng bahay; na pakitang-tao lang. (ITUTULOY)