Hindi mapatawad ang misis
Dear Vanezza,
Isa akong dating OFW. Masaya at masagana ang pamumuhay namin noong pabalik-balik ako sa abroad. Bukod sa mga kamag-anak ko na aking natutulungan, may sarili kaming bahay at sunod sa luho ang aking mag-ina. Nabago ang lahat nang makarating sa akin ang panlalalaki ng misis ko. Biglaan akong umuwi at napatunayan ang lahat nang sinundan ko sila sa motel na tinuluyan nila. Doon ay huli ko sila sa akto kaya hindi na ako nakapagpigil at nasuntok ko ang kalaguyo ng aking asawa na nagtatakbo sa takot. Hiwalay na kami ngayon ng misis ko at nasa akin ang aming dalawang anak. Sila ngayon ang pinaglalaanan ko ng aking mga pagsisikap. Sa kabila nito ay hindi ko pa rin kayang patawarin ang kataksilan ng misis ko. - Treb
Dear Treb,
Matuto ka ng magpatawad para matamo ang kapayapaan ng iyong isip at damdamin. Mahina sa tukso ang naging asawa mo at nadagdagan pa ng pangyayari na malayo ka sa kanya. Ipaubaya mo na lang sa Diyos ang mapait mong karanasan at harapin ang panibagong kabanata ng iyong buhay kapiling ang iyong mga anak.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest