The Ghost of ‘Padre Tililing’ (5)

SA PANGATLONG magdamag ibinalik ng dagat ang bangkay ni ‘Padre Tililing’. Nakatihaya ito sa dalampasigan, nakaharap sa langit.

Sabihin pa’y ipinagluksa ito ng mga tao sa fishing village. Wala yata isa man doon na hindi nahilam ng luha.

Pero may isang nilalang na tuwang-tuwa sa pagpanaw ng ‘padre’ – si Miranda. Gustung-gusto ng smuggling queen ang nangyari sa mortal na kaaway.

“Tara, Antonya, papasyalan natin ang bangkay. Pinaglalamayan daw sa fishing village.”

“Pero bakit pa, Miranda? Magpapagod ka pa?”

“Antonya, paano kung balitang barbero? Titiyakin ko lang na patay na nga si Tililing.”

Sakay ng SUV na nagpunta nga sa lamay sina Miranda at Antonya. Ang mag-amiga ay parehong kilabot sa pagbaril; kapwa graduate ng malaking shooting range sa lunsod.

Galit sila sa nagtataguyod ng gunless society; naniniwalang bawat mamamayan ay may karapatang protektahan ang sarili.

Naalarma ang mga naglalamay. “Nandiyan sina  Miranda, papunta rito!”

“W-walang kokontra kay Miranda, mga kabayan,” bulong ng pinakamatanda, “kundi’y yari tayo sa lupit niya,”

Parang reyna na pumasok sa lamay si Miranda, kasunod ang amiga-alalay na si Antonya. Taas-noo ang dalawa, kita sa baywang ang sukbit na baril.

Namumutlang nagsibati sa kanila ang mga naglalamay.

“Magandang gabi po, mga madam,” halos iisang sabi ng mga naroon. Bahagya na silang tinanguan man lang ng mag-amiga.

“Patay na nga ang ulul, di ba, Antonya?”

“Patay na patay na nga, Miranda.”

“Bakit parang nakangiti?”

“Inayos lang ‘yan ng embalsamador. No big deal, Miranda.”

Dinig ng mga nasa malapit ang usapan nina Miranda at Antonya. Walang galang sa yumao ang mag-amiga, nakaka-offend.

Isang lalaking may-edad ang pinalapit ni Miranda, sinutsutang parang tuta.

Nginig na lumapit agad ito. “B-bakit p-po, ser, eheste, m-mam?”

“Kailan ang libing nitong si Tililing?”

(ITUTULOY)

Show comments