Dahil ba sa waitress?

Dear Vanezza,

Ang problema ko ay tungkol sa aking asawa na nawalan na ng init sa aming relasyon. Limang taon na kaming kasal at hindi naman siya da­ting ganoon. Malambing siya noong araw. Kahit katamtaman lang ang kinikita namin ay maligaya kami sa piling ng aming dalawang anak. Nagsimula ang panlalamig niya nang magkaroon kami ng sariling negosyo na ipinamana sa kanya ng kanyang mga magulang. Maliit na restoran ito. Nag-resign siya sa trabaho at personal na pinangasiwaan ang restoran. Nitong nakaraang taon ay may nababalitaan akong mayroon siyang kinalolokohang waitress sa restoran na ‘yun. Tuwing tatanungin ko kung ano ang problema, siya pa ang galit. Ano ang dapat kong gawin? Masyado na akong naguguluhan - Elnor

Dear Elnor,

Kailangan ninyong mag-usap para maresolba ang problema. Importante sa pagsasama ng sinumang mag-asawa ang komunikasyon para hindi mapariwara ang relasyon. Tanungin mo siya kung ano ang hindi niya gusto sa iyo at sikapin mong baguhin ito. Huwag kang agad papatol sa tsismis dahil hindi ito makatutulong sa problema n’yo. Ipaunawa mo sa kanya ang halaga ng pagiging matatag ng inyong relasyon alang-alang sa inyong mga anak. Kahit sobrang busy kayo sa trabaho ay sikapin ni’yo pa rin na maglaan ng panahon sa isa’t isa para manumbalik ang dating init ng pagsasama at hindi makalimot ang iyong asawa.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments