Isang milyong pisong kilabot (27)

“KLARO na ninakaw ninyo sa aking asylum ang ‘sangkatutak na perang ito! Gusto ninyong ipakulong ko kayo?” banta ni Caluycoy.

Yanig ang mag-asawa. Paano na ang kanilang dalawang musmos?

Napangisi ang wirdong milyonaryo, alam na natakot sina Paula at Socrates.

Nakagapos ang mag-asawa, walang kalaban-laban.

Nailipat na sa coaster ang mga ito, kasama si Caluycoy.

Nasa pribadong compound sila ng asylum.

Natutong makiusap nina Paula at Socrates.

“Mr. Caluycoy, kinuha lang po namin ang pera sa basement ng asylum dahil dadayain n’yo nga raw kami. Hindi po kami magnanakaw.”

“Tinulungan po kami ng maamong multo, Mr. Caluycoy, naawa po sa amin,” paliwanag ni Paula.

Napamaang ang milyonaryo. “Maamong multo, sa asylum ko?”

“Opo, Mr. Caluycoy, seminarista po nuong nabubuhay pa. Namatay sa sunog,” dagdag ni Socrates.

Nag-iisip si Caluycoy. Siya ba ay maniniwalang may maamong multo?

Sa kanyang asylum na pugad ng mga multong mapanligalig?

“Ano na nga ang tawag sa mga multong ‘yon?” tanong ni Caluycoy sa sarili. Alam niya iyon, e.

Nalimutan lamang.Nasa dulo ng dila niya.

 â€œAlam ko na--poltergeist!” sagot niya sa sariling tanong.

Nakikiramdam lang ang mag-asawa.

Umaasam na mahahabag sa kanila ang milyonaryo.

“Paniniwalaan ko ba kayo, ulul na mag-asawa?”

“Sana po, Mr. Caluycoy. Totoo po ang sinabi namin.” Meek na meek si Socrates, ayaw nang galitin ang milyonaryong baliw-baliw na yata.

“Ikaw, my dear Paula, da biyutipul love of my love, na binigo mo noon at binigo mo ngayon—maniniwala ba ako sa kuwento ninyo?”

“Opo, dapat po, Mr. Caluycoy!”

Ngumisi ang milyonaryo. “At ang pasya ko ay...”

Kusang ibinitin. “Ang pasya ko ay...ay...”

Pigil ang hininga nina Socrates at Paula. Para silang naghihintay ng sentensiyang kamatayan. (ABANGAN!)

 

Show comments