Dear Vanezza,
Ako po si Ems, 40, dalaga at ni minsan ay hindi nagkaroon ng bf dahil walang nanligaw sa akin. Pangit po kasi ako. Sino ba ang magkakagusto sa tulad kong payat, banlag, mapeklat, madaming tagihawat at maitim. Sa kabila nito ay nag-aral akong mabuti at naka-graduate ng Business Administration at na isa akong matagumpay na negosyante ngayon at engaged sa real estate business. Ang pinaka inspirasyon ko na lang ay ang pamangkin kong lalaki na 8 years old. Ako ang nagpapaaral sa kanya. Namatay na ang kanyang mga magulang 2 years ago. Sa kabila nito, pakiramdam ko’y malungkot ang buhay ko. May pera nga pero pagdating sa lovelife ay zero. Kaya siguro masungit ako at ayaw kong makipagkaibigan. Kung minsan tuloy naiisip kong magpakamatay pero naaawa ako sa pamangkin ko na maiiwan. Ano ang maipapayo mo sa akin?
Dear Ems,
Ang dapat mong gawin ay ipagpatuloy ang buhay. Kulang ka man sa kagandahang panlabas, sobra-sobra naman ang blessings mo sa Dios. Iyan ay dapat mong ipagpasalamat. Tandaan mo na walang pangit na ginawa ang Dios. Ang kapangitan ay nasa paningin lang ng taong mapanghusga. Ang panlabas na itsura ay kumukupas pero ang kagandahan ng loob ay tataglayin ng isang tao hanggang kamatayan. At kahit namatay na ang isang mabuting tao, ang magagandang alaala niya’y hindi mabubura sa isip ng mga taong tinulungan niya. Hindi lang sa romantic love nabubuhay ang tao. Pinakamasarap na pag-ibig yung tumutulong ka sa kapwa at ina-appreciate ang ginagawa mo para sa kanila. Huwag kang maging masungit at makikita mo, gaganda ang paningin ng tao sa iyo at malay mo, makatagpo ka ng lalaking iibigin mo at magmamahal sa’yo.
Sumasaiyo,
Vanezza