Isang milyong pisong kilabot (18)
DESIDIDO SI Emil Caluycoy na huwag patalo kina Paula at Socrates ng Isang Milyong Piso. Kapag nanalo sa mga multo ang mag-asawa, awtomatikong mapupunta rito ang napakalaking premyo para sa beinte kuwatro oras na pananatili sa asylum.
Bukod dito, hindi na matutupad ang usapan nila ni Paula na paangkin ito sa kanya; kasi nga’y nanalo ito.
Alangan namang doblehin niya ang premyo; hindi naman siya ganoong katanga na magpapatalo ng ganoon kalaki sa babaing pinakamamahal, na bumigo sa kanya noong siya’y hamak na construction worker pa lamang; hindi pa sinuwerte sa ibang bansa.
Kaya nga ganitong tila kakapusin sa pananakot ang mga multo sa asylum, siya na ang gagawa ng paraan para matalo sa One-Million Peso challenge sina Paula at Socrates.
Nagdaan sa secret passage ng asylum ang milyonryo, dala ang baril.
Babarilin ni Emil ang mister ni Paula pero sa balikat lamang. Hindi ito papatayin.
“ At bakit ko naman papatayin ang gagong ‘yon? Enough nang si Paula ay mataranta at lumabas sa aylum kahit wala pang 24 oras. Para technically ay matalo sila.
May silencer ang baril ng milyonaryo; hindi malalaman na binaril niya sa balikat ang mister ni Paula.
Aakalain ng magandang misis na kagagawan iyon ng mga multo; walang ibang magagawa si Paula kundi magtatakbo palabas, siguro’y para tumawag ng ambulansiya.
Kung gayo’y matatalo sa 24-oras na rule si Paula; kanya pa rin ang Isang Milyon at mapapasunod si Paula na magpaangkin sa kanya gaya ng usapan.
Natitiyak ni Emil na tutupad sa usapan ang misis dahil sa consolation prize na 50 mil.
Pumuwesto na sa madilim na bahagi ng asylum si Emil Caluycoy, iniumang ang baril sa mag-asawang natatanglawan ng tig-isang flashlight.
Minsan pang napagmasdan ng milyonaryo ang babaing bumigo sa kanya sa pag-ibig.
Na-in love na naman siya kay Paula.
(ITUTULOY)
- Latest