Isang milyong pisong kilabot (15)

HINIMATAY nga si Socrates matapos lundagin ng dagang kasinlaki ng pusa. Nataranta si Paula na labis ding matatakutin.

Ang dagang malaki ay bigla namang naglaho, parang bula.

Napaiyak na si Paula. Pilit hinihimasmasan si Socrates.

SA LABAS ng asylum, nakaabang ang supervisor, crew at ambulansiya. Inaasahan na nilang anumang oras ay tatakbong palabas ang mag-asawa. Susuko ang dalawa sa labis na kilabot.

Sa kalapit na bahay sa asylum, naghihintay na rin si Emil Caluycoy. Sabik na ang wirdong mil­yonaryo na matupad ang kasunduan nila ni Paula; inaasahan ni Emil Caluycoy  na hindi tatagal ng 24 oras ang magandang ginang; maaangkin niya ang pagkababae nito gaya ng usapan kapag ito’y natalo ng mga multo sa asylum.

Tinawagan ni Emil ang supervisor ng contest. “Gimenez, ano na ang nangyayari riyan?”

“Naka -20 oras na po sa loob ang mag-asawa, Sir Emil. Bilib kami.”

“Gimenez, mali ang sagot mo. Dapat ay kakampi ko kayo. Ayokong basta matalo ang Milyon ko.”

“Sorry po, Sir. Opo, nakakahinayang na makokolekta ng mag-asawa ang  malaking pera nang dahil lang hindi natalo ng mga multo.”

“Balimbing!” kantiyaw ni Emil.”Sisantehin na kaya kita?”

“Huwag naman po, Maranu akong asawa, Sir!”

Natawa ang milyonaryo.”Ha-ha-haa.”

Ang frustration ni Emil, kahit tambak ang close circuit TV niya sa asylum, minsan man  ay hindi nagpakita  doon ang mga multo. Na para bang nahihiya ang mga itong makita ng publiko.

Kundi nga lang personal na naranasan at nakita ni Emil sa asylum ang sari-saring kababalaghan, hindi niya bibilhin ang nasunog na gusali ng mga baliw. Hindi sana niya maiisip na gawing pain iyon sa babaing  bumigo sa kanya sa pag-ibig.

“Paula,  bakit iniibig pa rin kita? Magpatalo ka na sa mga multo ko, please. Kahit ibigay ko na lang consolation ang premyo.”

SA LOOB ng asylum, natauhan na si Socrates. Pero hindi pa nakakabawi sa kilabot, ibang klase ng kababalaghan naman ang kanilang naengkuwentro. ITUTULOY

 

 

 

Show comments