Kasal o pag-aaral?

Dear Vanezza,

Mayroon akong gf noong college, pero nagkalabuan kami. Nagsimula ito nang bigyan niya ako ng ultimatum na kasal o pag-aaral? Sa inis ko, sabi ko sa kanya bahala na siya at pinalalaya ko na siya sa aming relasyon. Mahal ko siya pero tinikis ko siya. Wala naman kasing dapat ipag-apura sa kasalan. Mayroon pa rin akong mga pangarap sa buhay. Nais kong makatikim naman ang nanay ko at pamilya ko ng maginhawang buhay. Naguguluhan ako ngayon kung dapat ko pa ba siyang amuin. - Franky

Dear Franky,

Ikaw lang ang makakasagot kung dapat mong suyuin uli ang dati mong nobya. Kung mahal mo siyal hindi ka na dapat magdalawang-isip. Marahil nangingibabaw ang responsibilidad mo sa iyong ina at pamilya na mahal mo rin. Pero tama ka, bata pa kayo at walang dahilan para magmadali. Mabuting kausapin mo ng masinsinan ang nobya mo at tanungin kung bakit tila nagmamadali siyang pakasal kayo? Ipaliwanag mo rin ang kahalagahan na makatapos muna ng pag-aaral at makapagtrabaho nang sa gayon ay makaipon pa kayo bilang paghahanda sa pagpapamilya. Makakatulong ka rin sa pamilya mo. Iparamdam mo na hindi magbabago ang iyong pagmamahal sa kanya at siya ang babaeng pinapangarap mong makasama sa habambuhay.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments