Bahay o tahanan?(1)

Bahay o tahanan? Ano ba ang kaibahan nito? Ang pagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan sa loob ng tahanan ay napakahirap minsan gawin. Ngunit ito ay kinakailangan na makita at maramdaman ng iyong mga kasama sa bahay lalo na ng iyong mga anak, dahil kung hindi nila mararamdaman ang katahimikan, kasiyahan at kapayapaan sa loob ng taha­nan ay maaaring magdulot ito sa kanila ng di magandang epekto habang sila ay lumalaki o nagma-mature. Ang tahanan ang dapat na maging lugar na mararamdaman ng iyong pamilya ang seguridad na sa oras na sila ay pumasok dito ay mabibigyan sila ng “comfort”. Dahil kung hindi nila mararamdaman ito, maaaring sila ay nakatira lamang sa “bahay”. Narito ang ilang paraan para mabigyan at mapanatili ang kapayapaan sa loob ng tahanan.

Magrespetuhan  -  Ang lahat ng miyembro ng pamilya ay dapat na nakakatanggap ng respeto  mula sa bawat isa. Minsan, hindi mo napapansin na natatrato mo ang iyong asawa, anak, kapatid o magulang na tila hindi sila nangangailangan ng respeto at nababalewala. Dahil sa pagiging pamilyar sa isa’t isa ay nagiging maluwag ang trato ng bawat isa. Ngunit ito ay mali. Dapat ang pagkakaroon ng magandang asal at pag-uugali ay nagmumula sa tahanan at ang bawat miyembro nito ay dapat nagsisilbing mabuting ehemplo, lalo na kung ikaw ang magulang. Ang sabi nga masyadong “elementary” o pangkaraniwan ang bagay na ito, ngunit ang katotohanan ay hindi naman nito naipapatupad sa loob ng tahanan.

Maging parehas – Walang pagsasama na hindi nagkakaroon ng pagtatalo o pag-aaway. Ngunit tiyakin na kung mag-aaway ay hindi dapat nagsisigawan. Kinakailangan mo lang sumigaw kung ang tahanan mo ay nasusunog. Gumamit ng mga mabuting salita sa pagpapaliwanag sa iyong partner at iwasan ang pag-uungkat ng nakaraan. Dapat ka rin maging handa na humingi ng pasensiya kahit na sa tingin mo ay hindi naman ikaw ang nag-umpisa ng argumento.

Magpatawad – Kung nais mo ng patuloy na kapayapaan sa loob ng iyong tahanan, dapat ay handa kang magpatawad. Kung walang pagpapatawad ay walang kapayapaan sa iyong kalooban. Maaaring tahimik kung hindi kayo nagtatalo ngunit hindi naman payapa ang inyong kalooban, maging ang kalooban ng inyong mga anak.

Maliit na bagay -  Huwag mong maliitin ang mga bagay na sa tingin mo ay maliit lang. Ang matindi o malaking pag-aaway ay nagmumula sa maliliit na bagay. Gaya ng hindi pagbibigay ng kortisiya sa ibang miyembro ng pamilya. Maaaring hinihintay ka lang ng iyong partner na magsabi ng “thank you”, pero hindi mo naman ginagawa. Hindi mo alam ay unti-unti siyang nagkakaroon ng tanim na sama ng loob sa’yo.

 

 

Show comments