Isang milyong pisong kilabot (8)

MINASDAN nina Socrates at Paula ang lumang gusali na da­ting asylum ng mga baliw. Halos guho na ito, dahil sa malupit na sunog na   tumupok dito. Namatay sa sunog ang lahat ng pasyente ng asylum; nagmumulto ang mga namatay, ayon sa ulat.

Walang ilaw sa loob ng gusali. Ang tanging tanglaw ng mag-asawa ay ang tig-isang flashlight.

May baon silang tubig at pagkain, sapat para sa 24 oras na pagtigil nila sa dating asylum.

May silid-tulugan daw naman, pero sila na ang bahalang maghanap. Bahala na rin daw sina Socrates at Paula sa mga sapot ng gagamba at iba pang kalat at alikabok doon.

“S-Socrates…huwag tayong aatras. Kaya natin ito.”

“Paula, ako ang dapat magsabi niyan sa iyo. Walang atrasan, kaya nating panalunan ang Isang Milyong Piso…”

“Para kina Dedet at Marky, sa kinabukasan ng mga musmos nating mga anak,” matatag na dugtong ni Paula.

Nagpaalala ang supervisor ng contest. “Tandaan ninyo, Paula at Socrates, kalaban ninyo ang mga multo. Puwede pa kayong umurong sa laban, bago kayo pumasok sa pintuan!”  Magkakapit-kamay ang mag-asawa, sabay na umiling. Hindi sila uurong, hindi aatras sa laban. Saglit pa’y tinawid na nila ang pagitan ng labas at loob. Nasa loob na sila ng minumultong asylum. Blag. Biglang sumara ang pinto, lumaganap ang dilim. “Paula, buksan natin ang flashlights.” Puti ang liwanag ng dalawang flashlights. Nakahinto sa may pintuan ang mag-asawa, tinanglawan ang paligid. Malawak ang lugar, punumpuno ng alikabok at sapot ng gagamba. “S-Socrates, h-huwag mo akong iiwan,” sabi ni Paula, nginig ang tinig.  Nakapikit, ayaw tumingin sa kadiliman. Napapalunok si Socrates. Nakakabingi ang katahimikan ng buong asylum. Nakakapit siya sa nanlalamig na kamay ni Paula. Haa. Haa. Haa. Haa. Dinig nila ang kakaibang tunog. (ITUTULOY)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

   .

Show comments