Dear Vanezza,
Nakipaghiwalay ako sa asawa ko dahil nambabae siya. Bumalik ako sa aking mga magulang na halos isumpa siya. Ngayon nagmamakaawa ang asawa ko na patawarin ko na siya at bigyan ng isa pang pagkakataon na magbagong muli alang-alang daw sa mga anak namin. Gusto ko rin sana kaya lang natatakot ako sa aking mga magulang baka magalit sila sa akin. Ano ang gagawin ko?
- Nok
Dear Nok,
Walang masama sa pagpapatawad. Kung ang Diyos ay nagpapatawad, tayo pa kaya na nilalang Niya? Kung humihingi ng tawad sa iyo ang mister mo at tapat siyang nagsisisi, patawarin mo na siya at bigyan ng pangalawang pagkakataon. Kung tutol ang mga magulang mo na bigyan siya ng second chance, malaya kang labagin ang gusto nila alang-alang sa sarili mong pamilya. Kapag nag-asawa na ang isang tao, wala nang hurisdiksiyon sa kanila ang mga magulang. Dapat ding humingi ng patawad ang asawa mo sa iyong magulang. Normal lamang sa magulang na magalit lalo na’t kapakanan ng anak ang nakasalalay. Marahil ay mauunawaan ka rin nila. Sa bandang huli ay ikaw pa rin ang magdedesisyon.