Ghost train (40)

SUMAPIT ang oras ng libing ng nanay ni Nenita. Problema pa rin ng dalaga ang kaluluwa ng ina; kung magkakasama sila sa Langit.

Wala nang iluha ang dalaga. “Vincent, hindi nagpaparamdam ang nanay ko. Baka hindi sa Langit siya dinala ng ghost train…”

Napaigtad si Vincent, may nakita sa memorial park—habang handa nang ilagay sa hukay ang labi ng nanay ni Nenita.

“Nenita, hayun siya,” pasimpleng bulong ni Vincent, inginuso ang isang direksyong malapit doon.

Hindi makapaniwala ang dalaga.“S-si Inay nga, narito pa siya…”

Tinakbo ni Nenita ang kaluluwa ng ina, iniwan muna ang bangkay nitong nasa ataul. “Inay! Inaaay!”

Takang-taka ang mga nakikipaglibing, kita nilang luhaang nakayakap sa hangin si Nenita. “Inay, salamat po at nagpakita kayo!”

Sa diwa niya nasagap ang mensahe ng ina. “Nenita, anak…dadalhin muna ako sa purgatoryo, para maglinis ng kasalanan. Magkikita tayo sa Kaharian ng Diyos…pero matagal na matagal pa ang buhay mo sa mundo. Magpakaligaya ka, magpakabait…”

“Paano po kayo, Inay?”

“Hayun na ang sundo ko, anak. Kailangan ko nang umalis. Mahal na mahal kita.”

Kinikilabutan ang mga nakakakita kay Nenita, puwera lang si Vincent. Nakikita ng binata ang kayakap ni Nenita.

“Vincent, kakausapin ka raw ng Inay ko!” mahinahong sabi ni Nenita.

Nakalapit naman agad sa mag-ina si Vincent. “Nakikinig po ako.”

“Kung magkakatuluyan kayo nitong anak ko, Vincent, sana ay huwag mo siyang paluluhain…”

“Inay, hindi ho nanliligaw si Vincent, nakakahiya.”

“Nenita, I’m in love with you—sa maniwala ka o hindi,” sinserong sabi ng binata. Hinawakan sa kamay ang dalaga.

HUSTONG nailibing ang ina ni Nenita, saka nakita ng dalaga ang pagsakay ng kaluluwa nito sa ghost train.

Alam na ng dalaga kung saan muna madedestino ang ina. Nagkawayan sila. WAKAS (Up Next:  ISANG MILYONG PISONG KILABOT)

 

Show comments