Ghost train (32)

KUNG KAILAN nabigo sa pagkakaroon ng boyfriend, saka nakita ni Dindi ang isa pang tao sa mundo na dapat niyang bigyan ng  pagpapahalaga.

Ang tatay niyang mahirap pero todo ang pagi­ging ama sa kanya; kahit maliit ang suweldo bilang sekyu ay nagtitipid maibili lang siya ng gamot.

“To the best tatay in the world—my one and only father!”  Nagtaas ng glass of softdrink si Dindi, ipiningki iyon sa baso ng softdrink na hawak naman ng ama. Pli-innk.

Sabihin pa’y maligaya ang mag-ama, salo sa masaganang pagkain sa 5-star restaurant.

Tinutugtugan sila sa kanilang table ng mahusay na gitarista.

“Ang class-class naman natin, anak, e. Sosyal na sosyal ireng ating bonding. Akala tuloy e mayaman tayo.” Taga-Batangas ang ama ni Dindi, kaya may nakaaaliw na puntong Batangenyo.

“Gastos ho ni Kuya Vincent, Itay. Anyway daw ho, binigyan siya ng pera ng ghost train para mapaligaya ang nalalabi kong mga araw…”

“Mabuti naman at hindi ka na bitter at hindi na natatakot, anak. Tanggap mo na ang kapalaran.”

Tumango ang dalagitang bilang na ang oras sa mundo. “Sawa na ho ako sa pagmumukmok. Anyway papunta naman ako sa kaharian ni Lord. Hindi po Niya ako pababayaan, Itay.”

Pinigil ng mag-ama ang luha.

Hindi naman napigil. Parehong lumuha nang tahimik.

Binago naman agad ng tatay ang topic. “Lagay pala e madami nang nangyari sa buhay mo, anak, sa nagdaang beinte-kuwatro oras na overtime ako sa trabaho…

“Nagkaroon ka nga ba ng Almond pero nawala rin agad?”

Ngumiti nang tipid ang dalagita. “Opo, Itay, dinala siya sa akin ng ghost train para maging boyfriend ko… Pero hindi po pala napipilit iyon. Wala na ho akong Almond at tanggap ko naman.”
NAMATAY si Dindi matapos tumanggap ng huling sakramento. Sa memorial park, nakita ni Vincent ang pagsakay ng kaluluwa ni Dindi sa ghost train. Kumaway sa kanya ang dalagita, nakangiti. ITUTULOY

 

Show comments