Gustong hanapin ang tunay na ama

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa pangalang Toni. Ako po’y anak sa labas at ang nakilala kong ama ay pangalawang asawa ng nanay ko. Ang lola ko po ang nagtapat sa akin dahil siya ang dinadaingan ko kapag pinapalo at pinagagalitan ako ng tatay ko. Nang tanungin ko po ang aking ina tungkol dito, pero umiyak lang siya. Para sa akin, isa na itong kumpirmasyon sa totoo kong pagkatao. Nang mamatay ang nakagisnan kong ama, napansin kong lumayo ang loob sa akin ng mga kapatid ko. Sa palagay ko, sinabi na sa kanila ni papa ang tungkol sa akin. Dahil sa mga pangyayari ay tinamad na ako sa pag-aaral. Gusto ko pong hanapin kung sino ang tunay kong ama at maramdaman ang pagmamahal niya. Ayaw naman sabihin ng lola ko at mga kapatid ng aking ina kung sino ang aking tatay. Hindi nila gustong makialam sa problema ng aking pamilya. Ayaw naman sabihin ni mama ang lahat na pangyayari. Ano po ba ang dapat kong gawin?

Dear Toni,

Marahil sa tantiya ng iyong ina, hindi pa panahon para malaman mo kung sino ang tunay mong ama. Baka mayroon siyang sariling pamilya na maaaring magulo kung bigla kang susulpot at magpapakila­lang anak din niya. Siguro, hinihintay lang ng nanay mo na makatapos ka ng pag-aaral at maihandang ganap ang iyong kinabukasan bago sabihin ang lahat. Posible rin na inaalala rin niya ang damdamin ng iba mong mga kapatid. Panatilihin mo muna kung ano ang nakagawin mo nang kalagayan sa buhay. Ang pagiging anak sa labas ay hindi naman isang mala­king kapintasan sa iyong pagkatao dahil wala ka namang kasalanan dito. Ang mahalaga, kinilala ka namang anak ng nakagisnan mong ama. Pagbutihin mo pa ang iyong pag-aaral at hindi dapat na magbago ang pakikisama mo sa iyong mga kapatid. Kadugo mo sila at bilang panganay, ikaw ang kanilang role model.

 

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments