Ghost train (23)

“PATAY na si manong driver, patay na siya, Vincent! Hu-hu-hu-huu!” malakas na iyak ni Nenita. Hindi nakaligtas ang may-edad nang driver sa pamamaril ng riding in tandem.

Bruummm. Nakalayo ang dalawang nasa motorsiklo nang hindi nakilala kung sino; naka-crash helmet ang mga salarin.

Niyakap ni Vincent si Nenita, pinayapa. “Siya ang pakay ng ghost train, Nenita. Akala ko’y isa na sa atin.” Humagulhol sa balikat ni Vincent ang dalaga; wala pang sampung minuto nang aminin nila sa isa’t isa na sila ay soulmates.

“Nenita, hindi ko matatanggap kung ikaw ang…”

“Ganoon din ako, Vincent. Ikamamatay ko kung ikaw ang napatay ng mga kriminal na ‘yon…”

“On na tayo, Nenita, simula sa araw na ito.”

“Oo, pero asikasuhin muna natin si Manong.”

DUMATING ang mga alagad ng batas, kinunan ng statement ang dalaga at ang binata.

Kasunod ay itinuloy ni Vincent ang paghahatid kay Nenita sa tahanan nito. “Hanggang dito na lang tayo sa kanto, Vincent. Bawal nga sa nanay ko na ako’y may ine-entertain na guy.”

“But I want to meet her, Nenita. Kahit maggu-good evening lang.”

“Some other time na lang, Vincent.”  Hinalikan ni Nenita sa pisngi ang bagumbagong nobyo.   Walang nagawa si Vincent kundi tanawin ang nobya. Natiyak niyang dala nito ang handbag na may malaking pera.

GISING pa ang nanay ni Nenita. “Bakit ka ginabi, anak?”

“Dahil po sa dala kong suwerte, Inay. Mahirap iuwi ang suwerte pero narito na ho ako. Magta-travel tayo kahit saan. Gaya ng pangarap n’yo.”

Napanganga sa pagkabigla ang sakiting nanay. “N-nagbibiro ka ba, anak? Alam mo bang napakagastos n’un, Nenita?”

NAKABALIK na kina Dindi si Vincent. “Kakausapin ko agad ang tatay mo, Dindi. Hihingi tayo ng permiso sa mga lugar  na dadayuhin natin.” “Bakit kaya wala pa ang Itay?” Tumingin sa wall clock si Dindi. “Ngayon lang na-delay ang tatay ko, Kuya Vincent.”  ITUTULOY

 

 

 

 

 

Show comments