Ghost train (9)

NAINTRIGA kay Nenita si Vincent. Tinanong ng binata ang nakaluhod na dalaga, matapos itong magdasal. “Excuse me, miss…ghost train din ba ang problema mo?”  “Paano mo nalaman?” takang tanong ni Nenita. Napakamot ng ulo si Vincent. “Kuwan, narinig ko kasi ang dasal mo—medyo malakas…” Pinamulahan ng mukha si Nenita. Very private person siya. “G-Gano’n ba?  P-Pasensiya na, mister…mabigat ang personal situation ko tungkol sa…ghost train.”

“Kung gayo’y pareho pala tayo, miss. Ang ghost train din ang labis na nagpapahirap sa akin…” Naging curious sa binata si Nenita. “Pinahihirapan ka ng ghost train?”

Ikinuwento ni Vincent ang tungkol sa special friend na dalagitang may taning na ang buhay; na ito’y nais nang kunin ng tren.

Naawa si Nenita. “Gustong kunin ng ghost train ‘yung Dindi, ha ? Na sabi ‘ka mo ng duktor ay may limang buwan pa para ma­ging maligayang teenager?…”

Tumango  si Vincent. “Tama, si Dindi ang pakay ng multong tren. Don’t ask me why, hindi ko alam.”

Nanlumo ang dalaga. “Ako rin, hindi ko alam ang tunay na purpose ng ghost train. Dinalaw ang lugar namin, kinuha ‘yung lasenggo…

“And yet, hindi naman kinuha ang nanay kong maysakit sa puso…”

SA LABAS ng simbahan, pormal nang nagkakilala ang dalawang young adults. “I’m Vincent, binata, maawain.”

Nakipag-handshake si Nenita, very awkwardly. Hindi siya sanay makipag-usap sa mga lalaking ka-edad  “Ako naman si Nenita. I-I am single, tanging anak ng nanay kong maysakit na nerbiyos at heart ailment.”

Itinuro ni Vincent ang isang coffee shop. “Puwede ba tayong du’n mag-usap, Nenita, about our common problem?”

Maaga pa naman, naisip ni Nenita, hindi pa delikadong nag-iisa sa bahay ang ina. “Kuwan, meron lang akong thirty minutes, Vincent.”

“Very well, tara,” sinserong sabi ng binata.            

Nag-analyze sila ng mga pangyayari. “Parehong nakaligtas sa tren ang nanay ko at si Dindi. Bakit kaya, Vincent?” (ITUTULOY)

 

 

Show comments