Ghost Train (7)

LALONG nag-panic si Vincent nang makita sa loob ng cabinet si Dindi. Ang mahal na kaibigang teenager ay walang malay-tao. “Oh my God, Dindi, gumising ka! Nasa  tapat ng bahay ang tren! Laban! Laban, Dindi!”

Nanatiling unconscious ang dalagitang may taning ang buhay.

 â€œDindi, friend, gising! Huwag kang patalo sa tren!” Niyuyugyog na ito ni Vincent, hindi niya matatanggap na ngayon na mamamatay ang teener; sabi ng duktor ay aabot pa ng hanggang limang buwan ang buhay ni Dindi.

Binuhusan ni Vincent ng isang pitsel na tubig ang kaibigan. Splasshh.

Nabasa ang ulo at katawan ni Dindi. “Dindi, wake up!”

TUUT.TUUTT. Nadinig na naman ang magkasunod na silbato ng nagmumultong tren.

Sumulak ang galit ni Vincent. Patakbo niyang nilabas ang tren.

Nagsisisigaw. “AKO ANG KUNIN MO! HUWAG SI DINDI! AKOOO! AKOOO!”

Tumahimik ang tren. Unti-unting pumihit.

Hinarap si Vincent. Kinabahan ang binata. “ANO ANG GAGAWIN MO, HA, DEVIL TRAIN? ANOOO?”

Sinagasaan siya nito, walang babala. Mabilis.

“AAAAHHH,” sigaw ni Vincent.

Nakatihaya siya sa lupa nang magmulat ng mata.

Nakatunghay ang mga pamilyar na mukha. Mga kapitbahay.

“P-Patay na ba ako?” tanong niya, duda kung siya nga ang nagsalita.

“Vincent, buhay na buhay ka. Multong tren ang sumagasa sa iyo…nag-pass out ka sa takot.” Si Doktor Galvez ang nagpaliwanag.

“Si Dindi, ano na ang nangyari sa kaibigan ko? Nais siyang kunin ng tren, dok!”  tanong-pahayag ni Vincent.

Ang bagong dating na ama ni Dindi ang sumagot. “Buhay siya, Vincent. Salamat sa malasakit mo sa anak ko. Nagpapahinga si Dindi.”

“Desidido ho akong hadlangan ang ghost train, sa premature na pagkuha kay Dindi,” seryosong sabi ni Vincent sa doktor at sa ama ni Dindi.

Umiling ang security guard na ama; ang doctor ay nagkibit-balikat.

“Batambata pa si Dindi, for heaven’s sake! Maraming nais pang gawin sa susunod na limang buwan ang kaibigan ko—bago siya…tuluyang mamatay,” nanlulumong sabi ni Vincent. (ITUTULOY)

 

Show comments