Aswang family (73)

NASA tuktok ng munting isla sa Pacific Ocean ang kapreng bading a.k.a. Mang Sotero, walang kaalam-alam na hinahanap na siya nina Adwani at Aling Mameng.

Nagmumukmok ang kapreng bading, hindi matanggap na bilang na ang araw ng pamilya; na anumang oras ay buburahin na sila ni Adwani. Nakatanaw siya sa Dagat-Pasipiko. Hindi niya akalaing dito pala sa dakilang karagatan ito siya maglalaho sa mundo. At sa kalagayang ayaw na ayaw niya.

“Mamamatay pala akwong malayo sa akwing pamilya.  At  akwo ay matitigok na mag-isa, bilang kapreng bading…”

 Napaluha siya. Nami-miss niya ang asawa at ang anak; hindi na pala sila magkikita nina Mameng at Shalina.

Si Greco bang manugang niya’y nasa piling ng mga ito ngayong araw?  “Bakwa pinababayaan ng Grecong ‘yon ang akwing anak? Natitiyak kwo na sila ay nasa normal na katauhan. Akwo lang ang gabi’t araw na nananatiling kapreng bading.

“Siguro’y itwo ang pasimpleng parusa sa akwin ng bad fairy. Pakitwang tao lang na siya ay nagwing super-hero sa mga lulan ng eroplanong bumagsak. Masamwa pa rin siya.”

Naupo ang kapreng bading sa batuhan, naglagay ng makeup mula sa nahi­nging make-up kit.

“Nais kwong mamatay na magandwa, a beautiful creature.”

Naglagay siya ng lipstick at blush-on.

“Oh my gosh…nagugutwom akwo. Kailangan kwong kumain agad, bago akwo mamatay nang dilat…”

SA GUBAT, nakikipagkuwentuhan kay Aling Mameng si Adwani. “Alam mo ang isa kong magandang katangian, hindi ako bumabawi ng nasabi ko na. Itanong mo ang sinabi ko sa mister mo, Lola Mameng.”

“Hindi mo ako lola at hindi ako intresadong malaman ang sinabi mo kay Sotero!” bulyaw ni Aling Mameng.

“Pero dapat malaman mo na, para matuwa ka, Tandang Mameng.”

“A-ano ba ‘yon?” kinakabahang tanong ng matandang babae.

“Ang Aswang Family mo—aalisin ko na sa mundo.” (ABANGAN)

 

Show comments