Dear Vanezza,
Nakipag-break po ako sa first love ko bago siya sumampa ng barko. Tapos po may kaopisina ako na dati nang nagbabalak manligaw sa akin ang siyang naging taga-aliw ko. Ngayon bumabalik ang first love ko at nagyayang pakasal kami. Napag-isip-isip daw niya na hindi niya kaya nang wala ako sa buhay niya. Kami na po ngayon ng ka-officemate ko at inaalok na rin niya ako ng kasal. Alam ng ka-opisina ko ang tungkol sa una at ang muling panunuyo nito. At alam kong nagseselos siya. Pero nasa akin daw kung sino ang pipiliin ko. Nahihirapan po akong magdesisyon. Boto sa ka-officemate ko ang pamilya ko dahil binalik daw nito ang tiwala ko sa pag-ibig kumpara sa first love ko na pinaiyak lang ako. Gusto ng puso ko ‘yung una pero ang sabi ng utak ko itong present ang piliin ko. Hindi ko alam kung puso o utak ang paiiralin ko sa pagpili ng lalaking makakasama sa buhay. - Yoli
Dear Yoli,
Mahalaga na matiyak mo kung sino sa kanila ang tunay at tapat na nagmamahal sa’yo. Isaalang-alang mo rin ang payo ng iyong magulang. Mula rito ay timbangin mo ang sinisigaw ng iyong puso at ang idinidikta ng iyong isip. At kung saan ka maligaya siya ang piliin mo para wala kang pagsisihan sa sandaling piliin ang sa tingin mo’y mas nararapat sa kanila. Manalangin ka rin na gabayan ka ng Diyos sa gagawin mong desisyon.
Sumasaiyo,
Vanezza