Aswang family (64)

LIGTAS na sa isang isla sa Pacific Ocean ang mga lulan ng eroplanong bumulusok sa dagat.

Pinasalamatan at ipinagbunyi ng mga survivors ang kabayanihan ng nakabikining diwata at ng baklang kapre.

Napaluha sa galak si Adwani a.k.a. bad fairy at si Mang Sotero a.k.a. baklang kapre.

“Kaysarap pala sa feeling na ako’y tinuturing nilang superhero, bakla,” maemosyong bulong ni Adwani sa kapre.

“Hoy, excuse me! Hindi ikwaw lang ang kinikilala nilang hero! Pati pwo akwo!” hirit ng baklang bading.

Pero marami pang dapat gawin para sa mga gutom at pagod na survivors.  “Miss Fairy, lubusin mo na ang pagtulong sa amin…bigyan mo muna kami ng makakain at maiinom.”

Mga kababaihan ang nakikiusap kay Adwani; ang kalalakihan ay wala pang mahanap na pagkain sa mabatong isla.

Pati ang kapitan ay nakikiusap na naman. “Baka bago kami matagpuan ng mga naghaha­nap—patay na kami sa gutom, Miss Fairy…”

Marami ring sugatang dapat malunasan agad. Hindi maatim ng bad fairy na iwan ang mga ito.

“Bakla, hindi ako sanay maging hero. Ang pagiging masama ang papel ko sa mundo…” bulong ni Adwani sa kapreng bading.

Bumulong din ito. “Adwani, sa tutoo lang, patwi akwo ay gutum na gutom na rwin. Gusto kwo na ngang kainwin ‘yung pogwing steward…”

“A-Ano ba ang pagkaing-tao na dapat kong madyikin?” “Pritwong manwok, adobwong babwoy at nilagang bakwa, Sakwa madaming kanin na mainit na nasa dahon ng sagwing!”

Naghihintay ang kapitan at ang mga tao—hindi alam kung ano ang gagawin ng dalawang superheroes nila.

“Patwi palwa tubig na maiinom, Adwani. Sakwa gamot na rwin. Sakwa maraming toilet papwer. Dalwi na!”

Pumikit ang bad fairy, nag-magic na naman. Biglang lumitaw ang masaganang pagkain!

Bagong luto, nakahain sa mga dahon ng saging. Tilian sa galak ang mga survivors.  (ITUTULOY)

 

 

Show comments