Hirap lumimot

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa pangalang Baste. Alak at droga ang naging paraan ko para makalimot sa kabiguan sa nililigawang babae. Sa araw-araw na pagpupursige kong mapaibig siya, namalayan ko na lang na nasa kumbento na siya. Para akong maiiyak noon. Dama ko namatay na ang aking puso. Dito na ako nagwala, natutong magbisyo hanggang sa muntik akong makapatay ng isa sa aking barkada na laging tumutukso sa akin na naiwanan na raw ako ng biyahe ng barko. Hindi ko pa rin malimot ang babaeng minahal ko hanggang ngayon.

Dear Baste,

Mahirap talagang umasam na makukuha mo sa anumang paraan ang lahat mong ninanais sa buhay. Naging desperado ka sa pagpapaibig ng isang babaeng inilaan na ang sarili sa Panginoon. Kung talagang mahal mo siya, dapat nirespeto mo ang kanyang pasya. Talikdan mo ang bisyo na maglalagay lang sa’yo sa kapahamakan. Natitiyak kong idinadalangin ng babaeng minahal mo ang makabubuti para sa iyo kaya huwag mong sirain ang iyong kinabukasan. Makakatagpo ka rin ng babaeng magmamahal sa’yo at mamahalin mo.

Show comments