Aswang Family (51)

INIWAN  ni Shalinang manananggal sa bahay ang tatay niyang kapreng bading; bugbog-sarado si Mang Sotero sa karaoke bar sa bayan bago nailipad  ni Shalina sa kaligtasan.

Plap-plap-plapp.  Muli siyang lumipad, makikipaghabulan sa sikat ng araw; kailangang mabalikan niya sa ospital ang kaputol na katawan.

Hindi alam ni Shalina na wala na sa ospital ang kalahati; na nabawi ito ni Greco sa mga alagad ng batas.

Tagadag-tagadagg. Nakikipaghabulan din sa liwanag ng umaga ang tikbalang; mamamatay sila ng asawang manananggal oras na abutan ng sikat ng araw.

WALA na ang tikbalang nang matauhan ang mga alagad ng batas; naunawaang sila ay bumangga sa punong kahoy matapos sugurin ng nilalang ng kadiliman.

Duguan ang hepe at mga tauhang pulis.

“Nakatakas, nabawi ang kaputol ng misis niyang manananggal,” nanlulumong sabi ng hepe.

“Kasi naman, hepe, binalikan pa natin ‘yung tikbalang. E buhay na buhay pa pala, hindi namin tinamaan ng mga bala.”

“Nakakahiya tayo, men… nasira pa ang sasakyan natin.”

Napatanaw sa dilim ang mga ito. Hindi nila matiyak kung saan na nagpunta ang tikbalang.

SINUWERTENG nasulyapan ni Grecong tikbalang ang aswang na biyenang babae, si Aling Mameng.

May tangay na buhay na biik ang matandang aswang. Gii-iik. Gii-iik.

Natanaw din nito ang manugang na tikbalang; nakitang dala ni Greco ang pang-ibabang bahagi ni Shalina.

“Greco!  Ano na ang nangyari? Saan mo dadalhin ‘yang kalahati ng anak ko?” sigaw ni Aling Mameng mula sa himpapawid.

“Mahabang istorya, Nanay Mameng! Hinahanap ko pa si Shalina!” ganting sigaw ng tikbalang.

May sumigaw, nasa itaas. .”Greco! Inay! Narito na ‘ko!”

“Si Shalina! Hayun na siya, Nanay Ma­meng!”

“Tumuloy tayo sa sagingan, anak! Dali at malapit nang sumikat ng araw!”

(ITUTULOY)

 

Show comments