Itinakwil ng magulang matapos magtanan

Dear Vanezza.

Ako po si Enzo, 40, at kasalukuyang nag-aaral sa kursong Accounting. Hindi ako nakapagtapos dahil nung 2nd year college ako ay nagtanan kami ng girlfriend ko. Sa galit ng aking mga magulang, itinakwil nila ako at ang aking asawa kaya napilitan akong magtrabaho kahit messenger. May talent sa pagnenegosyo ang misis ko at nagtayo kami ng maliit na tindahan sa kanilang bahay. Dalawa lang silang magkapatid at welcome kami na tumira sa kanilang bahay ng kanyang mga magulang. Unti-unting bumuti ang aming kabuhayan kaya umupa kami ng apartment hanggang sa makapagpatayo ng low-cost house. Nang 35 years old na ako, hinimok ako ng misis ko na mag-aral uli at tapusin ang college. Hindi ako makapag-full load dahil nagtatrabaho rin ako kaya hanggang ngayon nag-aaral pa rin ako. Ang problema ko, hanggang ngayon ay hindi pa rin kami pinapatawad ng mga magulang ko. Ilang beses na naming tinangka ng misis ko na lumapit at humingi ng tawad pero walang nangyari. May dalawa na kaming anak ngayon pero matigas pa rin ang kanilang kalooban. Ang ganitong sitwasyon ang nagpapabigat ng aking konsensiya. Nangumpisal ako sa pari at ang payo niya’y magtiyaga pa rin ako na suyuin ang mga magulang ko. Ano ang dapat kong gawin para gumaan ang loob ko at magkaroon ng peace of mind?

Dear Enzo,

Hindi mo maiaalis sa magulang ang magdamdam dahil nabigo sila sa pangarap nilang makatapos ka ng kurso. Pero sa kabila nito, napatunayan mo na hindi naging bigo ang iyong pag-aasawa kaya walang dapat ikabigat ang iyong konsensiya. Huwag kang susuko sa pagsuyo sa kanila. Paminsan-minsan ay tangkain mong dumalaw sa kanila. Padalhan mo sila ng regalo. Hindi mahalaga kung tatanggapin o hindi ang iyong peace offering. Ang mahalaga, ipinapakita mong sa kabila nang lahat ay pinapahalagahan mo pa rin sila bilang mga magulang. Ipanalangin mo na lumambot din ang kanilang puso at ibigay sa inyo ang kanilang kapatawaran.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments