Dear Vanezza,
Ako po si Jam, isang OFW. Isa po ako sa mga naniniwala dati na posibleng mag-work ang long distance relationship. Higit 2 years na po kami ng aking bf. Masaya naman po kami. Ngunit nitong huling uwi ko ay parang napapansin kong nag-iba na siya. Hindi na siya tulad ng dati na parang sabik na makita ako at makasama. Nung bumalik ako sa abroad, hindi na din siya laging nagti-text at tumatawag. Madami na rin siyang mga dahilan kesyo naiwan ang cellphone, nagtitipid sa load at kung minsan ay sinasabi niyang nag-text daw siya hind ko lang daw siguro na-receive. Kapag lumalabas po siya kasama ang barkada ay hindi na niya ako naaalalang i-text man lang. Wala naman po akong nararamdaman na may iba na siyang babae. Ang napi-feel ko lang ay parang nawawalan siya ng gana dahil sinabi kong baka abutin ng 2 taon bago kami ulit magkita. Para po sa aking pamilya at sa amin na rin kaya ako nagtitiis sa abroad. Hindi ko po alam kung paano ako nagkamali dun?
Dear Jam,
Ang tunay na nagmamahal ay puwedeng magtiis kung ang paghihiwalay ay may mabuting dahilan. Sa kaso mo, nangibang-bansa ka para sa magandang kinabukasan. Pero kung hindi ito nauunawaan ng nobyo mo ay baka maging problema ito pagdating ng araw. Kausapin mo siya tungkol sa mga napupuna mong pagbabago niya. Hindi puwede ang one way love affair, na ikaw lang ang nagmamahal at nagtitis. Kung ganun pa rin siya, nasa sa’yo na ang desisyon kung mananatili sa relasyon.
Sumasaiyo,
Vanezza