Aswang family (6)

NATIGILAN sina Greco at Shalina sa sabi ng bad fairy. Sila raw mag-asawa, pati na tatay at nanay ni Shalina, ay gagawing mga aswang.

“Hindi mo puwedeng gawin ‘yan, Adwani! Protektado na kami ng aming banal na kasal!” sigaw ni Greco.

Si Shalina ay mamatay-matay na sa takot. Alam na makapangyarihan ang masamang diwata.

Nagpahid muli ng luha ang modernang engkanto. “Ang sama naman ng bulyaw mo, Greco. Bukod sa sumira ka sa sumpaan natin—na tayo na ang magmamahalan—nais mo pa akong gawing inutil or martir.”

Tumayo na si Adwani. Kumumpas sa hangin. Snap.

Nagkaroon ng ins­tant radio—kumpletong may tinutugtog na malanding musika.

Sina Greco at Shalina ay magkakapit-kamay, hindi mahulaan ang susunod na gagawin ng masamang diwata.

“Seremonyas ito ng aking kabiguan sa pag-ibig…bago ko kayo gawing mga aswang…”

Gagawin daw silang aswang, nais na yatang mapaihi sa takot nina Greco at Shalina. Nakita na nila ang kayang gawin ni Adwani.

Unti-unting nagsayaw nang buong landi ang diwatang moderna. Sayaw ng kahalayan. Na may kasamang hagulgol. “Hu-hu-huuu.” Magkayakap sina Greco at Shalina, sakop ng takot. Hindi nila ma-imagine na sila ay gagawing aswang. Pagkatapos na ba ng malaswang sayaw?

“Huuy-huuy-huuuy.” Panaghoy na ang saliw ng diwata. Sa finale ay naghubad na ito. Nanlaki ang mga mata ni Greco, nadaig ng pagnanasa ang takot. Pero unpredictable ang modernang diwata. Nagbihis agad ng kakaibang damit.

Damit ng bridesmaid ang suot. Umaawit pa nang buong lungkot. “I went to your wedding…although I was dreading…the part of losing you…” Nagsisigaw na si Shalina. “Itay, dali! Narito ang masamang diwata! Tulungan n’yo kamiii!” Kasambahay ng mga magulang sina Shalina. Hangos na dumating si Mang Sotero, may dalang gulok. Nakita ng diwata. “Hello, Sotero! Long time no see.” ITUTULOY

 

 

 

 

 

 

               

                 

               

 

 

 

               

 

                 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

               

                 

 

 

 

 

 

 

 

Show comments