Selosang ka-live-in

Dear Vanezza,

Ako po si “Jom”, may kinakasama na for almost 2 years. Ang problema ko lang po sa kanya ay masyadong selosa. Iyon po ang dahilan ng madalas na pag-aaway namin. Lahat po ng bagay ay pinagseselosan niya at ayaw niya akong payagang umalis kahit pumasyal lang sa mga kaibigan at kaanak ko. Masyado siyang mahigpit sa akin pero hindi naman ako ganoon sa kanya. Nasasakal na ako. Wala naman akong itinatago sa kanya. Minsan iniisip ko na iwanan na lang siya. Dapat ko ba siyang pakasalan? Paano kung kasal na kami, baka mas lumala ang pagseselos niya. Ano po ang gagawin ko?

Dear Jom,

Para huwag siyang magselos, isama mo siya sa mga lakad mo ng makita niya kung saan ka pumupunta at makilala ang mga taong iyong nakakasalamuha. Pero kung pati mga kaaanak mo ay pinagseselosan niya at ayaw ka  ng paalisin ng bahay, over possessive na siya. Hindi na yan tanda ng pagmamahal kundi kasakiman. Kung ganyan kahirap ang estado mo sa kanya, tama lang na isantabi mo muna ang kasal. Kausapin mo siya na walang kahahantungang maganda ang inyong pagsasama sa sobrang pagseselos niya. Kung mahal ka niya dapat ka niyang pagtiwalaan at irespeto. Kung hindi pa rin siya magbabago, malaya kang magdesisyon kung saan ka mapapanatag.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments