‘Butas na lupa’ (59)

NAGKABANGGAAN ang mga fighter planes ng mga taga-ibang planeta, habang palabas ng sinkhole,  matapos masagupa ang pabulusok na sangkaterbang bagoong.

Obvious na hindi natagalan ng mga aliens ang amoy na nakasanayan na ng maraming ‘Pinoy.

Nagliyab at sumabog ang mga pandigmang eroplano; ang iba pa ay nag-crash pabalik sa ilalim ng butas na lupa. KRAASS, BLAAMMM. HWUUNNNGG. Narinig sa buong lunsod ng mga taga-ibang planeta ang nakabibinging ingay ng metal. Narinig din iyon nina Jake at Monica; nahagip ng mga mata ang mga naglalaglagang debris.

“Jake…nag-crash ang fighter planes nila!”

“Paanong nangyari ‘yon, Monica…?” Alam ng magkasintahan na higit na makabago ang puwersang panghimpapawid ng mga mukhang susong Hapon. Mayamaya’y nalanghap na sa buong palibot ng siyudad ang amoy na kilalang-kilala ng magkasintahan. “Jake…tama ba ako? Amoy iyon ng…”

“Amoy-bagoong  na sariwa…hindi pa naluluto…” dugtong ni Jake. Hindi tiyak ni Monica kung luto o hilaw ang bagoong; basta tiyak niyang bagoong. Hindi madalumat ng dalawa kung paanong nag-amoy bagoong sa paligid.

Pati ba ang mga mukhang susong Hapon ay may supply ng isa sa mga pamil­yar na pagkain ng Pinoy?

“AIIYIII! IIIIYYIIIAAAA!”

 Nadinig nina Jake at Monica ang hiyaw sa kapaligiran—mula sa mga taga-ibang planeta. Nasaksihan nila ang biglang pagsasalpukan ng mga kotseng lumilipad. KRASSSH. BLAAMM.

Yanig na yanig sina Jake at Monica. Klarong nangamamatay, or baka nagpapakamatay, ang mga aliens; nagse-self destruct. Nasaksihan din ng magkasintahang estatwang buhay ang pagtalon ng mga aliens, mula sa mga kotseng lumilipad.

“TEMPLANGKEN! AIIIYIII!”  (Dalawang Labas)

Show comments