Hinamak ang trabaho
Dear Vanezza,
Dati akong kargador sa palengke at walang maipagmamalaki kundi ang malinis kong hangarin sa unang babaeng minahal. Pero ang masaklap, kahit tapat ang damdaming laan ko para sa kanya ay minaliit niya ang aking pagmamahal. Hinamak niya ang aking pagkatao. Iyon ang naging daan para magsikap akong maghanap ng trabaho abroad at hindi naman ako pinagkaitan ng kapalaran. Umibig ako sa ikalawang pagkakataon. Ang akala ko natagpuan ko na sa kanya ang lahat. Iginalang ko siya at nirespeto. Pero nabigo ako dahil nahuli kong may iba siyang kaulayaw kapag wala ako. Nahuli ko sila ng biglaan akong umuwi at gusto ko sana siyang sorpresahin. Kahit mahal ko siya ay tinapos ko ang lahat sa amin. Ngayon ay parang na-trauma na akong umibig dahil baka muli na naman akong mabigo. - Rhey
Dear Rhey,
Sadyang mapaglaro ang pag-ibig. Habang hinahanap mo ay tila nagiging mailap sa’yo. Sa kabila ng dalawang kabiguan ay hindi ito dapat maging dahilan para tumigil ang iyong puso na magmahal. Mas mabuting umibig at mabigo kaysa hindi nagmahal kailanman. Charge it to experience. ‘Wag kang panghinaan ng loob. Matatagpuan mo rin ang babaeng pinapangarap mo. Kaya kilalanin mo ng mabuti ang paglalaanan ng pag-ibig.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest