Dear Vanezza,
Ako po ay isang kasambahay, 29 years old at dalaga pa. Ang amo ko ay isang Chinese businessman, 61 anyos at biyudo. May anak siya na may asawa na rin at paminsan-minsan lang kung bumisita sa bahay nila. Dalawa kaming kasama niya sa bahay, yung isa ay matanda na at yung driver niya ay uwian. Niligawan ako ng amo ko. Gusto ko na rin po siya. Pero sabi ko sa kanya, sasagutin ko lang siya kung papayag siyang magpakasal kami. For practical reason kasi yung sa akin. Mahirap lang ang pamilya ko at kung makakapag-asawa ako ng katulad niya ay giginhawa ang buhay ng aking mga magulang at kapatid na nasa probinsiya. Pero minsan ay nakumbinsi niya ako na magtalik kami. Akala ko sa pamamagitan noon ay papayag siyang magpakasal na kami. Nagkamali ako. Ang feeling ko ngayon ay parang nakatali na ako sa kanya at hindi ako makatanggi sa gusto niya. Kahibangan ba ang ginagawa ko? - Noemi
Dear Noemi,
Hindi dapat maging dahilan ang financial security para ka magpakasal sa isang tao. At lalung hindi mo mapipilit ang isang tao na pakasalan ka kung ayaw niya. Obviously, katawan mo lang ang hangad ng amo mo at wala ng iba. Sinasabi mong para kang nakagapos na sa kanya at hindi makatanggi. Ikaw lang ang makakakalag sa gapos na iyan. Kung ayaw mo sa gusto niya, kahit pilitin pa ay wala siyang magagawa. Puwede ka namang umalis kung nais mo. Pero dahil gusto mo na rin siya kaya nagiging sunud-sunuran ka na lang. Mag-isip kang mabuti at huwag mong hayaang gamitin ka lang ng iyong amo. Nasa sa’yo pa rin ang desisyon.
Sumasaiyo,
Vanezza