Pinaglaruan lang pala...

Dear Vanezza,

Nakilala ko po si “Jim”, isang OFW sa Saudi Arabia nang minsang umuwi siya at dalhin niya sa aming tahanan ang ipinakidalang regalo ng isa kong kaibigan na nagtatrabaho sa Riyadh. Mahigit 50 na siya at ako ay 47. Isa siyang balo at may 2 anak na malalaki na rin. Nagkahulihan kami ng loob at bago siya bumalik sa Saudi ay sinagot ko siya at may nangyari sa amin sa loob ng 2 months niyang bakasyon. Matagal na raw siyang naghahanap ng makakasama sa buhay. Nangako siya na pakakasal kami at tatapusin lang niya ang kontrata. Nang dumating ang petsa ng kanyang pag-uwi, hindi siya dumating at nag-extend daw siya ng isang taon para makaipon ng pang negosyo namin. Naniwala naman ako sa kanya. Mula noon hintay ako ng hintay. Ang isang taon ay lumampas na pero hindi pa siya umuuwi. Dumalang na rin ang aming komunikasyon hanggang sa tuluyan na itong natigil. Ang kaibigan kong nagpadala sa kanya ng regalo noon ang nagkuwento sa akin ng dahilan. Mayroon nang ibang babaeng kinakasama si Jim sa Saudi. Pero ang babae ay mayroong asawa sa Pilipinas. Iyak ako nang iyak. Halos isumpa ko siya. Isa siyang sinungaling, pinaglaruan lang niya ako.  - Zen

Dear Zen,

Hindi lahat ng pa­ngako ay mapanghahawakang tuparin lalo na’t nasa malayo ang nobyo. Maraming tukso, maraming hadlang at maraming dahilan. Ginamit ka lang niya at wala talagang balak na patali. Nakita mo, ang kinuha niyang kapalit mo ay may asawa. Wala nga naman siyang sabit dito. Huwag mo na siyang panghinayangan pa. Wala siyang kuwentang lalaki. Gayunman, ang karanasan mo sa kanya ay hindi dapat maging daan para isara mo ng tuluyan ang puso sa pag-ibig. Sa tamang panahon ay makakatagpo ka rin ng tamang lalaking magmamahal sa’yo ng tapat.

Sumasaiyo,

Vanezza

 

Show comments