‘Butas na lupa’ (41)

NAKIUSAP si Jake sa head engineer. “Naroon pa sa ilalim ng butas na lupang ‘to ang girlfriend ko, bossing! Kaya utang na loob ho, huwag n’yo munang takpan!”  Kinunutan siya ng noo ng inhinyero. “Wala nang postponement, hindi puwedeng ipagpaliban ‘to, bro. Magagalit si Meyor at ang municipal council.  Isa pa, tatlong linggo nang hindi nagpaparamdam ‘tong sinkhole.” Nilalagyan na ng mga construction worker ng takip na concrete slabs ang bunganga ng butas. Sa maghapon ay matatapos na ito, moog na sa tigas, hindi na basta magigiba ng maso.

Lalong hindi na mawawasak mula sa loob—ng sinuman o anumang kapangyarihang nasa ilalim ng lupang butas. Nanlumo si Jake.  Malakas talaga ang kutob niyang buhay pa sa ilalim ng lupa si Monica; hindi magkakaroon ng mga duplikado ang nobya kung ito’y patay na,  paniwala ng binata. “Bossing, kasama ko si Doktora Nunez. Siya ang magpapatunay na kaya napaso at nag-apoy ang dila ko—dahil hinalikan ako ng duplikado ni Monica!” Itinuro ni Jake ang doktora na nasa d-kalayuan.

Napailing lalo ang inhinyero. “Sinong Monica, anong duplikado? Pati doktora’y idadamay mo? Ang labo yata, bro!”

Gayunma’y nakipag-usap sa doktora at kay Jake ang chief engineer. Pinakinggan ang mga kababalaghang umano’y nasaksihan ni Jake sa isla.

Pinatunayan naman ng doktora na nasunog ang bibig at dila ng binata; na ito’y hindi nababaliw.

“Are you telling me na ‘yung nakahalikan mong duplikado ay merong…kiss of fire?” napapailing-napapangising sabi ng inhinyero.

 â€œAno ba ‘yan, bro,  local version mo ng imported song na ‘Kiss of Fire’ ni Frankie Lane?”                  Umiling si Jake. “Sinasabi ko lang po ang totoo. May kapangyarihang nanggugulo sa atin—mula sa ilalim nitong butas!  Dapat na solusyonan, imbestigahan! Hindi basta na lang tatakpan at kalilimutan!”

Nagpapakahinahon ang chief engineer. “Ayokong patulan ang ilusyon mong walang basihan; hindi nga maarok ang ilalim ng butas, bakit tutuklasin pa?  Heto na ang solusyon, bro—kongkretong takip!”  (ITUTULOY)

 

 

Show comments