Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Mimi. Problema ko ang asawa ko. Meron siyang babae at sa ngayon ay magkasama sila. May oras siya kung kailan siya pupunta sa kanyang babae at uuwi sa akin. Sinabi ko sa kanya na mamili na siya kung sino sa aming dalawa ang mahal niya. Tatanggapin ko anuman ang kanyang pasya. Tinanong ko rin siya kung mahal ba niya talaga ako. Ang sagot niya ay hindi na niya ako uuwian kung hindi na niya ako mahal. Balak niyang magsama sila ng babae hanggang anim na buwan para daw makilala niya ang ugali nito. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin? Minsan kasi parang gusto ko siyang iwanan dahil sa mga pinaggagawa niya.
Dear Mimi,
Kabilang sa mga pagsubok na pinagdaraanan ng mga mag-asawa ang pagkakaroon ng third party. Subalit ang pananatili sa ganitong sitwasyon ay maaring makasira ng pamilya. Kausapin mo ng masinsinan ang iyong mister. Huwag niyang ikatwiran na kung hindi ka niya mahal ay hindi ka na sana niya uuwian. Sigurista lang ang asawa mo. Gusto niyang kasamahin ang babae at after 6 months kung hindi niya ito makasundo ay may asawa pa siyang uuwian. Sa kabila nito, huwag ka muna basta sumuko para na rin sa kapakanan ng iyong mga anak. Gawin mo pa rin ang lahat para mabago ang maling paniniwala na ito ng iyong asawa.
Sumasaiyo,
Vanezza