‘butas na lupa’ (33)

Sa Ibabaw ng butas na lupa, iiling-iling na tinanggap na ni Jake ang masaklap na katotohanan—na si Monica ay wala na; namatay na sa loob ng napakalalim na sinkhole.

Ilang mga taong munisipyo na ang nagsiyasat, nagsama ng mga eksperto sa pagbaba sa malalalim na hukay o butas.

Pero hindi talaga narating ng mga ekspertong ito ang ilalim ng butas na lupa. Nagkakaisa silang parang walang katapusan ang lalim ng sinkhole.

Ang mga kumpirmadong namatay o nilamon ng butas ay kagilagilalas sa dami—halos 80 pors­yento ng mga taga-Barangay Antukin.

Tanggap na rin ng mga taong ito na hindi na magbabalik ang mga nilulon ng hukay; nakalibing na ang mga ito sa ilalim ng butas na lupa.

“Mga kababayan, akong inyong alkalde ang nagsasabing lagyan na natin ng tuldok ang napakamalagim na bahaging ito ng ating kasaysayan. Magpatuloy na po tayo sa buhay; let’s move on.

“Bukas na bukas din po, ang butas na lupa o sinkhole ay tatakpan na ng engineering team ng munisipyo! Maraming salamat po.” Halata namang taos sa puso ang pakikiramay ng punong-bayan.

Pagod na rin ang mga tao sa paghihintay; sila man ay kumbinsidong patay na ang mga nilamon ng mahiwagang butas.

Nag-alay sila ng mga bulaklak, mula sa mga ligaw na halaman sa bukid. Naghagis din sila ng mga bagay na minahal ng mga nilulon ng hukay.

Umaasa ang mga tao na ang mga ihinulog na souvenirs ay makararating sa napakalalim na ilalim.

Wala nang nagbabantay sa butas na lupa, laluna sa gabi. Handa na ang kalooban ng mga taga-Antukin sa anumang mangyayari.

Pero si Jake ay kailangan nang magbalik muna sa bayan. Tetelepono siya, kokontak sa kinauukulan; dapat malaman ng mundo ang nangyari kay Monica; na ito’y tumalon sa napakalalim na butas na lupa at hindi na nakabalik.  Monica is dead, buong tapang niyang isisiwalat sa lahat ng nagmamahal kay Monica.

NASA payphone na si Jake nang may mahagip sa di-kalayuan ang kanyang mga mata. “Oh my God! S-si Monica ‘yon! Buhay si Monica!”

ITUTULOY                                          

 

Show comments