‘Butas na lupa’ (30)

TUMATAKBONG patakas si Monica, naghahanap ng daang palabas sa butas na lupa. Humahabol naman sa kanya ang walong duplikadong ‘Monica’, mga hubo’t hubad, mga anyong hangal.

“Huwag n’yo ‘kong sundan, mga gaga! Hindi ko kayo isinasama! Hindi kayo mga tunay na tao!” sigaw ni Monica, galit sa mga nakabuntot.

“Wuzzu-wizzi. Vizzu-vizzu. Templangken!” sigaw naman ng mga ito, akala’y maiintindihan ng tunay na tao.

“Tigilan n’yo ako! Lahat kayo dito ay may masamang pinaplano sa mundo namin! Magbabayad kayo!”

Wuunngg. Zooommm. Mga tunog-ingay itong nagmumula sa itaas.

Napatingala si Monica. Nakita ang mga lumilipad-sumi­sibad na sasakyan. Out-of-this world ang design ng mga ito.

Patuloy sa pagtakbo si Monica, hingal na. “Kaahh kaaaah kaaahh.”

Tuloy din sa pagsunod sa kanya ng mga hubo’t hubad na walong ‘Monica’. Kung sa ibabaw ng lupa naganap ang eksenang ito, tiyak na nagulo na ang mga tao—laluna ang kalalakihan.

Nakakaiskandalo na walong magagandang dalaga ang tumatakbong walang anumang saplot.

Para kay Monica ay napakasagwa nito. “Oh my God, parang ako times eight ang nagbo-bold! Mabuti na lang na walang tao rito!”

May mga tao, na­alala niya—ang mga pinatuyong babae at lalaki, bata at matanda, na nahulog sa butas na lupa. Ginawa ang mga ito na display sa malawak na ‘mall’.

Ang mga lumilipad na kakaibang sasakyan ay sabay-sabay na nag-dive, lumapag sa mismong harapan ng mga ‘Monica’, at ng tunay na Monica.

Naglabasan sa sasakyan ang mga nilikhang mukhang suso. Ang mga creatures mula sa ibang planeta.

Huhulihin sina Monica ng mga ito.  Palapit na sa kanila.

Nakatutok sa kanila ang siguro’y mga sandata.

“Wuzzu. Wizzi. Vizzu. Vizzi.” Sabay na sabay na sabi ng walong ‘Monica’; si Monicang totoo ay kinabahan.

Ksssiiittt...  Pumulandit ang maraming laser beam.

(ITUTULOY)

Show comments