Mailap ang suwerte?

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa alyas BCJ. Mula pagkabata ay hindi po maganda ang naging takbo ng aking buhay. Bagaman buhay pa ang aking ina, feeling ko, ulila na ako sa buhay at naghahanap ng kaligayahan. Ako po ay nabilanggo dahil nakadisgrasya ako ng tao. Nakalaya ako subalit muling nasadlak sa isa pang pagkakamali kaya balik-selda ako. Hindi ko tuloy maiwasang itanong sa aking sarili habang humihimas ng rehas kung bakit mailap sa akin ang kalayaan. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin?

Dear BCJ,

Huwag mong isipin na hindi ka mahal ng iyong ina. Walang magulang na hindi nagmamahal sa anak. Marahil ay nasaktan siya dahil hindi mo pinahalagahan ang pagkakataon nung nakalaya ka, sa halip ay gumawa ka uli ng panibagong pagkakamali. Alalahanin mo na walang taong masama. Naliligaw lamang ng landas dahil sa maling kapaligiran at impluwensiya ng mga barkada. Lumayo ka sa masamang barkada at sikaping sumunod sa pangaral ng magulang. Dumalangin ka sa Diyos para patatagin ang iyong puso sa mga pagsubok. Hindi pa huli ang pagbabago at sana’y matutuhan mo na ito

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments