‘Butas na lupa’ (18)

KLARO ang payo ng kinatawan ng munisip­yong nakakasakop sa isla—kung sa loob daw ng isang linggo ay walang ibang lalabas na tao sa butas na lupa, makabubuting takpan na lang ito ng mga survivors. Ayaw magkomento nina Jake at Monica. Dayo lamang sila sa isla, nais lang mag-ulat sa media ng mga kababalaghang nasaksihan. “Ganito po kasi ‘yan, mga kabayan—tayo dito sa Barangay Antukin ay nasa ilalim ng isang mahirap na munisipalidad, na ibig sabihin ay limitado ang pondong maitutulong sa inyo.

“ Nasalanta kayo ng sabi n’yo’y mga higanteng alon, binulabog kayo ng sabi n’yo’y butas na lupa na nangangain ng mga tao pati bahay. Nilamon ng sabi n’yo’y butas na lupa pati sina Chairman Domeng at mga tanod, ibig sabi’y laganap ang inyong dalamhati…

“Pero life must go on—na ibig pong sabihin e, dapat e mag-move on na po tayo, kumilos, ibangon ang mga sarili.

“Sabi nga po—huwag tayong magtanong kung ano ang magagawang tulong  sa atin ng ating bayan; sa halip, itanong natin kung ano ang magagawa natin para sa ikauunlad ng ating bayan!” napakahabang dayalogo ng kinatawan ng mayor.

“Jake, hinalaw niya ang famous lines ni John F. Kennedy ng America! Pero distorted naman, mali sa kasong ito!”

“Gagalitin lang niya ang mga tagarito, Monica.”

Nagngingitngit ang mga taong nasalanta. Ano bang klaseng kinatawan ang ipinadala ng mayor?  Bakit hindi sila maunawaan? Takpan na lang daw ang butas na lupa, para tapos na ang hiwaga.

Bumangon na raw, na parang napakadali sa kanila ang pagbangon—nang walang alalay ng munisipyo.

Nag-alsa na ang mga tao, inambaan na ng mga itak ang mga taga-munisipyo. “Magsilayas na kayo ngayundin! Sabihin n’yo kay Mayor na wala kayong silbi!”             

 â€œLayas bago namin kayo ihagis sa butas na lupa!”

Nagbunot ng  baril ang isang pulis pero pinigil ng mga kasama. “Huwag mong patulan, sarhento. Tayo na.”

“Bahala kayo sa buhay n’yo!” inis na sabi ng kinatawan ng mayor. Nakasakay na ang mga ito sa bangkang de-motor.   ITUTULOY

 

 

Show comments