Nag-aagawan sa anak

Dear Vanezza,

Itago mo na lang ako sa pangalang Onin. Pini­n­deho ako ng dati kong asawa at iniwan din niya ang aming anak nang sumama sa ibang lalaki. Ngayon nakakulong ako, nais niyang kunin ang aming anak na pinaaalagaan ko sa aking kapatid. Labag sa aking kalooban ang gusto niyang mangyari dahil ‘nung iwan niya ang aming anak at sumama sa iba ay hindi niya naisip ang kapakanan ng bata. Nagbanta pa siyang magsasampa ng kaso kung hindi siya pagbibigyan. Ano po ang mabuti kong gawin?

Dear Onin,

Hindi puwedeng pagkaitan ng karapatan ang isang ina na makilala siya ng kanyang anak kahit na umalis siya noon at sumama sa ibang lalaki. Lalo na ngayong nakapiit ka at hindi mo personal na naaalagaan ang inyong anak. Makabubuting pasangguni mo ang iyong kapatid sa isang abogado na puwedeng makapagbigay sa inyo ng payo sakali’t magdemanda nga ang iyong misis. Pero kung madadaan naman ninyo sa pag-uusap ang tungkol sa inyong anak, mas mabuti para hindi na kayo umabot pa sa korte at hindi na rin maiskandalo pa ang bata. Posible kasi na kapakanan lamang ng inyong anak ang interes ng dati mong asawa kaya nais niyang kunin ito. Pwede kayong maglahad ng kondisyon na papabor sa inyong dalawa lalo na para sa inyong anak.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments