‘Patay kayo, mga corrupt’ (35)

KINUKUWESTIYON ng corrupt mayor sa sarili ang multong nanliligalig sa mga tiwaling politicians.

“Kinatawan ka ba ng Langit, ha, pakialamerang multo? I don’t think so! Ang Diyos ay hindi pumapatay ng tao! Siya ay nagpapatawad!

“Sa Diyos lamang ako hihingi ng tawad, multo, kapag oras ko na!”

Nasa unahan ng kotseng bullet-proof ang driver-bodyguard ng mayor, tahimik na nagda-drive; mabait ito, buo ang tiwalang malinis ang amo.

“Reyes, wala pala akong kalaban-laban kapag nagpakitang muli ang multo. Ibang takot ang dulot niya sa’kin, para akong aata­kihin sa puso.”

“Mayor, ang dapat pong dalawin araw-araw ng multo—si Susana Tamporanas, ‘yung hinihinalang utak ng pork scam.”

“Iyan pa nga, bakit hanggang ngayon e buhay pa si Susana Tamporanas, gayung siya ang most guilty? Para namang may favoritism ang multo, di ba, Reyes?”

Napakamot ng ulo ang tauhan. “Para nga hong gano’n, mayor.”

“Susumbatan ko talaga ang multong ‘yon kapag nagpakita!”

Nagpakita nga sa corrupt si Arlene.

“Aaahh!” sigaw ng mayor, nauntog sa salamin ng kotse.

“Mayor, bakit po?
“K-katabi k-ko siya…”

“A-ang multo ho?” paniniguro ng driver-bodyguard.

“O-Oo, Reyes…a-ano’ng gagawin ko?”

Ihinintong bigla ni Reyes ang kotse. SCREEECHH.

Bumunot agad ng baril, nagsiyasat sa backseat. “Wala naman pong multo, mayor… Nag-iisa po kayo…”

“N-narito siya, galit na galit na tinititigan ako…Oh my God, Reyes, do something…” 

“Nasa isip n’yo lang ang takot, mayor, ser…Wala po talagang multo.”

“Ang corrupt na gaya mo lamang ang nakakakita sa akin, mayor. Mabait ang tauhan mo.”

“N-narinig mo ang sabi ng multo, ha, Reyes?”

“Hindi po. Wala po akong narinig, ser.”

“Bakit ako, multo? Bakit hindi si Susana Tamporanas?”

“Si Tamporanas ay magko-confess na, ikaw ay hindi!” (ABANGAN)

 

 

Show comments