‘Patay kayo, mga corrupt’ (30)

NAGPATULOY ang public confession ni Ex-Congressman Pablo Curicot. “Dapat po sana, sabi ko noon sa sarili ko—ang total ng kukurakutin ko ay hindi ko palalampasin sa 50 milyones, para po hindi ako makasuhan ng plunder kung sakali; bale malversation of public funds lang na puwedeng piyansahan…

“E kaso nanaig ang pagkagahaman ko, kurakot ako nang kurakot sa bawat projects. Before I knew it umabot na pala sa 80 milyones at gusto ko pang dagdagan…Kaso nabuking ng COA, sinampahan ako ng plunder case.

“Matindi ang ebidensiya, Tiyak na ipaaaresto ako at makukulong nang walang piyansa-piyansa… tapos ang aking maliligayang araw…”

Hindi mapakali ang corrupt politician, palinga-linga. “Alam n’yo bang sa laki ng kasalanan ko sa bayan, ako ay hindi na dapat mabuhay? Dapat e binaril na ako at pinalakol sa ulo…”

Kinabahan ang padre. Kahit ang makasalanan ay hindi dapat nagpapakamatay. “Congressman Curicot, nagpaplano ka bang magpatiwakal? Huwag na huwag, kasalanan ‘yan sa Diyos.”

“Gusto kong pumunta sa Eastern Visayas, sa sinalanta ni Yolanda…pero alam kong I am the last person na nais makita ng mga tao roon…bawal doon ang corrupt…” Humahagulhol na ang tiwaling pulitiko.

“N-nakikita mo pa ba ang multong sinasabi mo, congressman?”

“Ang multo ng nakaraan…hinahabol ako…dapat na akong—” Nasunggaban ang baril ng security guard. Agad itinutok.

“—Mamatay!”

BANG.

Sa bibig ipinutok, naglagos sa kaliwang mata at sa bumbunan.

Parang ipinako sa kinatatayuan ang mga nakasaksing tauhan ng sauna; ang padre ay napa-sign of the cross.

Isang kaluluwa ang nagbubunyi—ang multo ni Arlene. “Kung tutuusi’y kulang pang kabayaran ang buhay mo, Pablo Curicot. May your tribe disappear.”

Hindi nakikita ng mababait si Arlene. Pero nakita nilang biglang may invisible force na tumadyak sa bangkay. TADD.

Si Arlene ang nanadyak; hanggang sa kabilang buhay ay sagad ang galit niya sa mga corrupt.  (ITUTULOY)

 

 

 

Show comments