Nanlalamig na misis

Dear Vanezza

Pakitago na lang ako sa pangalang Don, 34. Sa nakalipas na 3 buwan ay dala-dala ko na ang problemang ito tungkol sa aking misis. Matanda ako sa kanya ng 10 taon. Three years na kaming kasal. Pero nitong nakaraang ilang buwan ay nag-iba siya. Nagtaka ako sa bigla niyang pagbabago. Malamig na siya at kadalasan ay tumatanggi na kami’y magtalik. Kapag tinatanong ko siya, sinasabi niyang walang problema. Pagod lang daw siya. Ang hinala ko’y nagsisisi siya sa pagpapakasal sa akin o may iba na siyang kinalolokohan. Paano ko malalaman ang totoo?

Dear Don,

Huwag kang agad humusga at baka mali ang iyong inaakala. Maraming dahilan sa ipinagkakaganyan ng isang tao. May trabaho ba si misis o sa bahay lang?  Baka naman talagang pagod siya kaya wala sa mood. Sa ganyang kaso ay mahalaga ang changing of environment. Magbakasyon kayo para naman hindi kayo nabuburyong sa pare-parehong tanawing nakikita ninyo araw-araw. Mag-date kayo para maibsan ang stress sa trabaho o bahay. Kung hindi babalik ang dati niyang init, dapat na kayong mag-usap ng masinsinan at baka may mas mabigat pang dahilan.

Sumasaiyo,

Vanezza

Show comments