‘The Kiss’ (9)

SA ISANG iglap, nabuksan ng misteryosong foreigner ang malalaking kandado ng musoleo. Pati main door na naka-double lock sa loob ay walang hirap na nabuksan. 

Umingit pa nga. Kre-e-eek.

Tumingin sa paligid ang lalaki, tiniyak na walang tao; walang nakakita sa kanyang ginawa.

Maingat nang pumasok sa musoleo; maingat ding inilapat pasara ang pinto. Halos walang tunog kundi super-hina na klik.

Walang nakasinding ilaw sa loob ng musoleo. At dahil walang makapasok na liwanag, napaka­dilim ng bawat sulok.

Pero balewala sa lalaki ang dilim. Malinaw nitong nakikita ang lahat ng bagay doon.

Natukoy agad ng mata ang kinaroroonan ng pakay. “Natalie…” Nakalapit ito sa kabaong na natatakpan ng makapal na salamin; natunghayan ang dalagang nakahimlay doon; ang bangkay na hindi naaagnas sa nagdaang sampung taon.

“Natalie…” muli nitong tawag, halos bulong.

Ang dalaga sa kabaong ay nanatiling walang buhay. Sinindihan ng foreigner ang malamlam na ilaw. Klik.  Inangat ng lalaki ang salaming takip. Maingat na inilapag iyon.

“Natalie, ngayon na magaganap ang nakatakda.”  Ang dayuhan ay bihasa na sa Tagalog, sa Wikang Pilipino.

Inilapit na nito ang mga labi sa mga labi ni Natalie. BIGLANG nagising si Sam; naputol ang mahimbing na pagtulog.

Ang alam ni Sam, napakasama ng kanyang panaginip. Bangungot ito na hindi naman niya maalala kung ano.

“Parang may kinalaman kay Natalie…”  Hindi naman niya tiyak. Tumingin siya sa wall clock. Alas dos na ng madaling-araw. Sinakop siya ng matinding kapanglawan. Bigla’y miss na miss na naman niya ang yumaong nobya.

“Natalie…hindi ka ba naagnas dahil magbabalik ka sa akin?”

Siya mismo ang nangilabot sa naisip na ‘yon. Ayaw niyang magbalik sa kanya si Natalie—bilang bangkay. Hindi rin katanggap-tanggap kung ito’y mabubuhay.  (ITUTULOY)

 

 

Show comments