‘Black Angel’ (40)

“HINDI mo ba naunawaan, Wendy? Ubos na ang food supply natin mula sa kung sino. At ang kung sino ring ito ang naghulog sa’tin nitong rubber boat. Meaning, pinaglalayag na tayo sa dagat,” mahabang pahayag ni Richard sa kasintahan. “Do or die na ito. Mamatay nang dilat sa isla o magkaroon ng tsansang mabuhay pa…”

“Pero napakalalaki ng alon, at napakalawak ng dagat na ating tatawirin…wala tayong kalaban-laban…”

Tumingala ang binata, may pag-asam. “Wendy, may palagay akong somebody up there ay puprotektahan tayo…”

“A-Ang Black Angel ba?”

Umiling ang binata. “Ewan. Duda pa rin ako sa kanya. Mas nais kong paniwalaang si Lord ang gagabay sa atin… hindi Niya tayo pababayaan…”

Napayakap sa nobyo si Wendy, luhaan. “God bless us talaga, Richard. At sana, maging matatag tayo. Huwag na tayong bibitiw sa Diyos…”

“Amen, my love,” sinserong sabi ni Richard.

DINIG lahat iyon ng Black Angel. Mga kahanga-hangang salita ang binitiwan ng dalawang mortal. Sana lang ay mapanindigan.

Ito ang isang bagay na hindi kayang hulaan ng Black Angel ang resulta—kung magtatagumpay o hindi sa paglalakbay sa dagat ang dalawa.

“God bless,” bulong ng Black Angel habang lumilipad nang napa­kataas—hindi tanaw sa munting isla.

Matalino rin naman ang dalawa, naisip ng itim na anghel,  inalam ang pinanggalingan ng rubber boat—nakitang gawa iyon sa Mainland China, hindi sa Langit.

DALA ang mga pananggalang sa araw at ulan, na bahagi ng naunang relief goods, nagsimula na ang paglalakbay-dagat nina Richard at Wendy.

Natangay agad ang rubber boat nila ng alon, base sa direksiyon ng hangin na pang-umaga.

Nagpapatianod sila, palaot na nang palaot. Bago lumipas ang ilang oras, ga-tuldok na lang sa layo ang super-liit na isla.

“Richard, wala nang ibang lupa akong matanaw…puro dagat at alon.”

“Hindi makakatulong ang pagpa-panic. Magdasal…”

SA LAOT, hinagupit sila ng sama ng panahon. Ulan, hangin at mga higanteng alon. Umiyak sa takot si Wendy. “Hu-hu-hu-huu!” (3 LABAS)

Show comments