‘Black Angel’ (38)

SA DILIM ng gabi, sa himpapawid, nakasalubong nga ng Black Angel ang dalawang manananggal—isang mataba at isang seksi.

Natipuhan ng seksi ang itim na anghel. “ANG  GUWAPOOO!”

Mangha naman ang Black Angel. Hindi akalaing ang nababasa lang noon sa folklore ay mae-encounter; hindi pala alamat lamang.

Hinabol niya ng tanaw ang dalawang manananggal.

E nakalingon pala ang mga ito sa kanya.

Bumalik ng lipad ang mga manananggal, aliw sa kakaibang katauhan,

“Hoy, guwapo, sandali! Kuwentuhan muna tayo!”

“Hindi ako dapat makipag-usap, makakasira kayo sa aking misyon. I’m sorry, ladies.”

Lalong naaliw ang dalawang putol ang katawan. “Hi-hi! Ladies daw tayo, Mayang!”

“Oo nga, Lina! Siya’y gentleman! Bwi-hik-hik-hikk.”

“Itatanong lang namin, guwapo—anong kategorya ka ba? Kami’y lahing aswang. Kategoryang manananggal!” sabi ng seksi.

“Ikaw ba’y kalahi ng mga kapre at tikbalang?” tanong ng mataba.

Hindi makasagot ang Black Angel. Saan nga ba siyang lahi ng mga nilalang ng dilim? Hindi naman puwedeng i-claim niyang siya’y anghel na kasanggga ng Diyos. Puting anghel ang kinikila­lang kakampi ng Panginoon.

“Hindi ako kalahi ng tikbalang at kapre, mga miss.”

“Ayy, miss daw tayo, Lina! Nakaka-flatter naman!”

“Misis na po kami, Mister Guwapo! At mas sexy kami kapag kakabit na ang aming ibabang katawan!”

“Nandu’n sa sagingan! Gusto mong makita?” Nanunukso ang manananggal na may hitsura.

Kinilabutan ang Black Angel, natakot matukso. Kaybilis na niyang lumipad, nawala na sa dilim.

Makaraan ang isang oras, nagbalik na sa tapat ng super-liit na isla ang Black Angel. Naghulog siya ng kakaibang bagay.

BLAAGADAGG. Ang malakas na ingay nito ang gumising sa natutulog na magkasintahan.

Mangha sina Richard at Wendy sa nakita. Isang giant black box na ewan pa kung ano ang laman. (ABANGAN)

 

 

Show comments