‘Black Angel’ (37)

“PERO alam mo, Wendy? Sakaling pahabain pa ni Lord ang ating buhay, k-kung mababalik pa tayo sa sibilisasyon, sa normal na buhay—isinusumpa kong tatalikuran ko na ang paggawa ng masama…hindi na ako magtutulak ng droga…” sinserong sabi ni Richard sa nobya.

“Sure…?” paniniyak ni Wendy.

“Very sure. Talagang bagumbuhay. Wala nang labag sa batas.”

Naririnig ng Black Angel ang usapan ng dala­wa sa isla.  Malapit nang makumbinsi ang itim na anghel na tapat na sa kalooban ang lumabas sa bibig ng binata.

“S-sa maniwala ka’t sa hindi, Richard,  natauhan na rin ako. Gusto ko nang maging kapuri-puring babae—hindi na super-materyosa, handa nang magpatulo ng pawis sa marangal na paraan.”

“At papayag kang…maging wife ko?”

Tumango si Wendy. “Yes, isang very modest wife na may takot na sa Diyos.  Dalawa tayong magpapalaki ng mabubuting anak, Richard.”

Sa ibabaw ng ulap, hinihimay sa isip ng Black Angel ang mga pangako nina Wendy at Richard. Genuine na bang magbabago ang magkasintahan? Babalik na sa tamang daan?

“Paano kung inuuto lang pala ako? Baka alam na naririnig ko sila?”

Kailangan niyang umisip ng paraan para makatiyak. Lumipad siya sa isang bayan na malayo sa siyudad.

Iniwasang makita ng mga tao. Ayaw na niyang dagdagan ang mga suliranin ng mga ito, laluna ang mahihirap.

Magugulo lalo ang buhay ng mga ito kapag siya’y nakita. Hindi pa nga nakakabawi sa malawakang anomalya sa pera ng bayan.

Hindi mga tao ng nakakita sa kanya sa himpapawid. Mga nilalang na nakalilipad ding tulad niya.

Nagulat ang Black Angel. “Mga aswang!”

Dalawang manananggal, actually.

“Ang guwapooo!” sigaw sa itim na anghel ng pinakaseksing manananggal.

Napapailing na sinundan ng tingin ng Black Angel ang mga ito.

Kung gayo’y totoo pala ang mga nilalang ng dilim? (ABANGAN)

 

 

 

 

 

 

 

               

,

Show comments