Dear Vanezza,
Itago mo na lang ako sa alyas Pogi. Mayroon akong best friend. Pareho na kaming may asawa. Tatlo na ang anak ko pero siya ay wala pa hanggang ngayon. Five years na silang kasal ng misis niya at sabi ng doktor baog ang kaibigan ko. Gustung-gusto niyang magkaanak dahil wala raw siyang pamamanahan ng kanyang yaman kung wala siyang anak. Nagulat ako at naguluhan sa request niya sa akin. Gusto niyang sipingan ko ang misis niya para ito magkaanak. Hindi ko alam kung pagbibigyan ko siya o hindi. Kung minsan, para akong natutuksong gawin ito dahil seksi at maganda ang kanyang misis. Pero nakokonsensiya naman ako kung gagawin ko ito dahil matalik ding kaibigan ng misis ko ang asawa ng kaibigan ko. Pinag-usapan na raw nila itong mag-asawa at pumayag daw ang kanyang misis magkaanak lang sila. Dapat ko ba itong pagbigyan?
Dear Pogi,
Hindi mo siya dapat pagbigyan kahit kaibigan mo siyang matalik dahil magiging masalimuot lang ang resulta niyan. Maski paano, kapag naanakan mo ang kanyang misis ay magkakaroon ka ng attachment sa bata na malamang maging daan ng conflict sa buhay ninyong magkaibigan. Ikaw na rin ang nagsabi na natutukso kang pumayag dahil seksi at maganda ang kanyang misis. Paano kung ma-de-bevelop naman kayo nung misis niya? Maaari itong magbunga ng pagkasira ng pagsasama ninyong mag-asawa. Isa pa, may question of morality ang ganyang usapin. Sa mata ng Diyos, kasalanan iyan. Imungkahi mo sa iyong kaibigan na umampon na lang sila kung talagang hindi sila puwedeng magkaanak.
Sumasaiyo,
Vanezza