‘Black Angel’ (24)

NAGPATULOY sa paglipad ang Black Angel, dala ang pumapalag pang pating. Nasa gitna sila ng malawak na dagat. Walang nakakaalam kung ano ang gagawin ng itim na anghel sa pating.

“Siyet! Madramang talaga ang Black Angel na ‘yon!” 

“Nagiginaw na ako, Richard…hindi tayo tatagal na sisinghap-singhap…”  Walang anumang sasak­yang-dagat sa malapit; napakalabo ng kanilang kaligtasan.

“Nang tayo’y pabulusok na kanina sa dagat, natawag ko ang lahat ng santo, Wendy…naipangako ko kay Lord na magbabago na ako iligtas lang Niya ako, tayo…and I meant it…”

“Meant? Past tense, Richard? Ngayo’y hindi ka na nagsisisi?”

Tumango ang binatang big-time drug pusher, nakangiting itinuro ang Black Angel sa itaas.

Nasaksihan nila ang paglaglag ng Black Angel sa pating, sa malayong bahagi ng dagat.

Naiibang tanawin iyon. Tanaw nila ang mabilis na bulusok ng pating. Pabaligtad na tumama iyon sa tubig, malakas ang impact.. SPLAAAK.

“Maniwala ka, Wendy, babalikan tayo ng ugok na itim na anghel! Hindi pa niya tayo tatapusin!”

Nawirduhan sa boyfriend si Wendy.

Pero tama si Richard, binalikan sila ng Black Angel bago pa sila nalunod. Dinagit sila nito sa tubig. SWOOOSSSH.

Inilipad muling pataas, halos sayad na sa ulap, ewan kung palayo sa gitna ng dagat.

Lihim na natuwa sina Wendy at Richard, pero natuto nang manahimik; alam na madaling mapikon ang anghel na itim.

Ang importante’y hindi sila hinayaang mamatay ng kakaibang anghel.

“Puwede po bang malaman kung saan mo kami dadalhin?” magalang na tanong ni Richard.

“Salamat po naman at hindi ninyo kami natiis, bossing,” dagdag ni Wendy, tinitiyak na hindi mao-offend ang Black Angel.

Isang napakaliit na isla sa gitna ng dagat. Wala pang 50 square feet ang sukat. Dito sila ibinaba ng nilalang na may pakpak. (ITUTULOY)

 

Show comments